MAGBUBUKAS ang ikatlong season ng BALLOUT Hoops Challenge, liga na inorganisa ni dating La Salle Greenhills at Ateneo Lady Blue Eagles basketball coach Cris Bautista, sa September 1 sa Ateneo Blue Eagle Gym sa Katipunan, Loyola Heights Quezon City.
Ang inter-scholastic basketball tournament ay naglalayon na mapalakas at mapalawak ang grassroots basketball program para sa kabataan na may edad 10 pababa.
Ang tinaguriang ‘Iron Man’ ng Philippine Basketball Association na si LA Tenorio ng Ginebra San Miguel ang tournament director.
Naaayon si Tenorio sa adhikain ng liga dahil isa siya sa buhay na patotoo na may puwang ang Pinoy basketball sa bigtime basketball at international cage scene kung magsisimula ng pagsasanay sa tamang pamamaraan.
Isa si Tenorio sa produkto ng San Beda high school program at naging star player sa kolehiyo sa Ateneo Blue Eagles. Sa PBA, hindi pa siya lumiliban ng laro sa anumang kadahilanan.
"This is something I have been wanting to do for a long time," pahayag ng Kings star point guard.
"We noticed that basketball players aged 10-and below have been left behind. With most leagues focusing on different and higher age groups, we feel that this tournament can set the bar and guide them to a better basketball future," sambit ni coach Bautista.
Batay sa NBA ang format ng BALLOUT Hoops Challenge na may apat na division (East, West, North at South) na may nakatalagang sariling deputy commissioner. Bawat division ay may sariling kampeon at uusad sa single round format para madetermina ang National Champion.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kay Cris Bautista sa mobile no. (0917) 6480803.