Makamit ang ikalawang playoff berth sa Group B at mapanatili ang malinis nilang marka ang tatangkain ng BRT-Sumisip Basilan-St.Clare sa muli nilang pagsabak ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D League Foundation Cup.

Nakatakdang makasagupa ng Saints sa unang laro ngayong 1:30 ng hapon ang McDavid-La Salle-Araneta sa pambungad na laban ng nakatakdang tatlong salpukan sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Huling tinalo ng koponan para sa ikatlong sunod nilang tagumpay ang Hyperwash noon pang nakaraang unang araw ng buwan sa iskor na 129-72.

Pinapaboran sila kontra McDavid na naghahangad namang makasilat upang makatikim ng unang panalo matapos ang tatlong sunod na kabiguan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

At kung muling magwawagi, makakahanay sila ng nauna ng quarterfinalist sa grupo na Technological Institute of the Philippines (5-1) at mananatili pa sa kanilang pamumuno.

Parehas namang naghahangad na makamit ang nalalabing dalawang playoff berths sa Group A, tatangkaing ipanalo ng iWalk at Asia’s Lashes ang kani-kanilang laban ngayong hapon.

Kasalukuyang magkasalo sa ikalawang posisyon hawak ang patas na barahang 2-2, panalo-talo, sasalang ang dalawang koponan sa huling dalawang laro, ang iWalk kontra Marinerong Pilipino ganap na 3:30 ng hapon at ang Asia’s Lashes laban sa Hazchem ganap na 5:30 ng hapon.

Bagama’t, nakakasiguro na ng playoff berth at ng top 2 finish para sa twice-to-beat incentive, tiyak na hindi pa rin basta pagbibigyan ng Skippers ang Chargers upang manatiling walang bahid ang kanilang rekord.

Sa huling laban, magtatangka naman ang baguhan ding Hazchem (1-2) na patuloy na palakasin ang tsansa nila para sa dalawang natitirang quarterfinal slots.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

1:30 p.m. - BRT Sumisip Basilan-St. Clare vs McDavid-La Salle Araneta

3:30 p.m. - iWalk vs Marinerong Pilipino

5:30 p.m. - Hazchem vs Asia’s Lashes