ISA munang mahusay na aktres si Bacoor City Mayor Lani Mercado Revilla, bago niya pinasok ang pulitika. Isinantabi muna niya ang acting nang magkaroon ng kaso ang asawa at ngayon ay senador nang si Bong Revila, dahil hinarap niya ang pagiging legislator bilang kinatawan ng Bacoor City, bago naging mayor ng Bacoor, at ngayon ay nasa second term na siya.
Kamakailan ay tumanggap si Mayor Lani ng Best Local Chief Executive (medalya ng pambihirang paglilingkod-Lakan Degree) sa katatapos lang na selebrasyon ng anibersaryo ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ginanap sa Philippine International Convention Center.
Post ni Lani sa kanyang Instagram (IG) wall, “Thanks BFP for this award. This will inspire me to give more service to my constituents.”
At ngayon, tumanggap ulit siya ng magandang balita nang alukin ni Bossing Vic Sotto ng role bilang nanay ni phenomenal star Maine Mendoza sa entry ng APT Entertainment at M-Zet Productions sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa December. ang Mission Unstapabol: The Don Identity na ididirek ni Mike Tuviera.
Ayon sa manager niyang si Manay Lolit Solis, hindi tinanggihan ni Lani ang alok at magkakaroon siya ng special participation sa pelikula. Inamin naman ng mayora na fan siya ng AlDub (Alden Richards at Maine Mendoza). Ilang beses na ring naimbita ni Lani si Alden sa mga events nila sa Bacoor City, pero first time niyang makakatrabaho si Maine.
Hindi raw naman makakaabala sa trabaho ni Mayor Lani ang shooting nito dahil four shooting days lamang ang naka-schedule sa kanya. Bagay ngang mag-Nanay sina Lani at Maine dahil pareho silang maganda at morena.
-NORA V. CALDERON