SA hangaring mapahaba pa ang tangan na record sa winning streak, pinalakas ng National University Lady Bulldogs ang kanilang hanap para sa darating na UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament.
Kinuha ng defending 5-time champions para sa darating na UAAP season ang dating UCLA Bruin at Gilas Pilipinas pool member na si Kelli Hayes.
Ang nasabing kaganapan ay naunang kinumpirma ni NU head coach Patrick Aquino sa Tiebreaker Times.
Ang 24-anyos na si Hayes, may taas na 6-foot-flat ay naglaro ng apat na taon sa UCLA at naging miyembro ng NCAA’s Elite Eight sa kanyang junior year.
Nagtala siya ng career averages sa UCLA na 4.5 puntos, 2.5 rebounds, at 1.0 assists per game.
Graduate na si Hayes sa degree na Gender Studies kung kaya naman eligible siya na maglaro sa UAAP sa ilalim ng ‘Troy Rike-rule’.
Umaasa si Aquino na agad makaka-adjust si Hayes sa kanyang one-and-done stint sa istilo ng laro dito sa Pilipinas.
“Kelli will help our team by being one of the leaders of our squad. She will also provide the energy that we may lack,” sambit ni Aquino, patungkol kay Hayes na nag-average ng 8.6 puntos, 3.4 rebounds, at 1.6 assists sa nakaraang Jones Cup.
“Vice versa also. This will help Kelli know how we play locally and stay longer here and practice with Gilas for the SEA Games,” aniya.
-Marivic Awitan