Kinupirma ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na dalawang kalihim ng gabinete ang kasalukuyang iniimbestigahan ng kanilang ahensya.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Belgica na cabinet rank positions ang dalawa na inirereklamo ng komisyon.

Pebrero umano ng taong ito, nang ihain ang mga kaso sa kanilang komisyon laban sa dalawang cabinet secretaries.

Gayunman, tumanggi naman si Belgica na pangalanan ang mga ito habang nagpapatuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Belgica, pawang mga private persons ang mga complainant.

Sa ngayon ay may 13 nang taga-Bureau of Internal Revenue ang naaresto, pinasuspinde at kinasuhan ng PACC.

Sinabi ni Belgica na isang malawakang imbestigasyon ang kanilang gagawin laban sa mga kinasasangkutang kaso ng mga taga BIR na paulit ulit lamang umani ang kaso laban sa mga ito kaya’t posible na mayroong matinding problema sa sistema ng ahensya.

Inaasahan naman ng PACC na matatanggap ng ahensiya ngayong buwan ang SALN ng mga opisyal naman ng DoTr at LTFRB.

Ayon kay Belgica, ang nasabing bagay ay bunsod ng ginawang pagkukusa ni DoTr Secretary Arthur Tugade na mapasailalim siya sa lifestyle check.

Sinabi ni Belgica na mismong si Tugade ang sumulat sa kanila at humiling na imbestigahan siya, maging ang lahat ng mga opisyales ng DoTr na may hawak na puwesto, tao at pondo.

Kaugnay naman nito, sinabi ni Belgica na dalawang linggo na ang nakalipas nang makaaresto sila ng fixer sa LTFRB na nagkamal umano ng P20 milyon dahil sa scam sa pagkuha ng prangkisa at reservation sa TNVS matapos ang entrapment operation.

-Beth Camia