MASAYA ang mediacon ng pelikulang And Ai, Thank You! na ginawa talaga ni Direk Joven Tan para kay Ms. Ai Ai delas Alas na kilala bilang Box Office Queen at Comedy Queen. Wala raw ibang puwedeng gumawa ng naturang pelikula kundi si Ai Ai.

Sa pelikula ay first time gumanap ni Ai Ai bilang isang artista, at dito lang daw naranasan ng aktres na makapagsuot ng magagandang damit at laging naka-make-up, ‘di tulad ng ibang movies niya na unglamorized ang role niya.

Sino ang peg ni Ai Ai sa pagganap ng role?

“Wala. Pinaghalu-halong character ng bawat isang artista ang ginawa ni Direk Joven,” natatawang kuwento ni Ai Ai. “Ailene din ang pangalan ko sa story, mabait naman siya sa simula, pero dahil sa mga gulo sa buhay niya, ay nabago ang ugali niya. Ako na lamang ang nakakaalam kung sinu-sino ang pinagsama-sama sa character ko.”

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

Bakit parang sunud-sunod ang paggawa ng movie ni Ai Ai? Pangatlong pelikula na kasi itong And Ai, Thank You na ipalalabas this year.

“Five movies ang nakatakda kong gawin this year, at pagkatapos noon, pahinga na muna ako, next year kasi gusto kong harapin ang family ko at gusto ko nang magka-baby kami ni Gerald (her husband). Kapag ginawa ko iyon kailangang sa first trimester, dapat nasa bahay lamang ako.”

Paano iyon kung gusto ni Mother Lily na siya ang gumanap sa character niya sa bioflick niya na ididirek ni Erik Matti?

“Hindi, pass na ako sa movie ni Mother Lily, saka mas bagay gumanap sa kanya sina Judy Ann Santos at si Congressman Vilma Santos. Manonood na lamang ako ng movie ni Mother Lily.”

Tanong pa kay Ai Ai, paano niya gustong makilala ng mga tao?

“Gusto kong matandaan nila ako na, “ang komedyanteng nagpapasaya sa mga tao ay isang dakilang ina.”

Sa And Ai, Thank You rin unang beses mapapanood nang magkakasama sina Ai Ai, Kakai Bautista, Rufa Mae Quinto, Dennis Padilla, Joey Paras, Rubi Rubi, Anjo Yllana, Joross Gamboa, at may special participation pa ni Juliana Parizcova Segovia.

Mapapanood na sa mga sinehan sa buong bansa ang And Ai, Thank You sa Miyerkules, August 14.

-NORA V. CALDERON