PARA masiguro na tama ang paggamit sa inilaang pondo na P6 bilyon sa hosting ng 30th Southeast Asian Games (SEAG), nagbuo ang Malacanang ng isang grupo na susubaybay dito.
Inamin ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez na naniniguro lamang si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi magagamit sa mali ang pondong inilaan para sa paghahanda sa biennial meet.
Bubuuin ng mga opisyal buhat sa Presidential Management Staff (PMS) ang nasabing grupo upang umantabay at magbantay sa pondo ng SEA Games, katuwang ang ilang tauhan buhat sa tanggapan ng Executive Secretary at ni Senador Bong Go.
Ang magiging trabaho ng nasabing grupo ay mag-ulat kada-linggo ng mga bagong kaganapan sa preparasyon ng SEA Games kay Executive Secretary Salvador Medialdea, kay Sendor Go at mismong kay Presidente Duterte.
Sa ganitong paraan, madaling malalaman kung anumang problema mayroon at madaling magagawan ng solusyon, gayung kulang na sa apat na buwan ang paghahanda para sa 11-nation meet na magaganap sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 10.
Bukod dito, susubaybayan din ng nasabing grupo ang pagtutulungan ng PSC ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine SEA Games Organizing Comittee (PHISGOC) para sa prepasyon.
Magsisimulang magpulong ang grupong bubuuin ngayong darating na Biyernes sa tanggapan ng PSC upang simulang pag-usapan ang estado ng preparasyon para sa nalalapit na kompetisyon.
-Annie Abad