SEMARANG – Nasungkit ng swimming ang unang medalya para sa Team Philippines, habang nagpamalas ng katatagan ang girls volleyball nang walisin ang host Indonesia sa unang araw ng aksiyon sa 11th ASEAN Schools Games nitong Sabado sa Jatidiri Sports Complex sa Semarang, Indonesia.

Kabuhok lamang – 0.01 segundo -- ang naging pagitan ni Philippine junior national record holder Thanya Angelyn Dela Cruz sa nagkampeon na si Adelia Adelia ng Indonesia sa girls 50m breaststroke. Nailista ni Dela Cruz ang tyempong 33.82 segundo laban kay Adelia (33.81).

Nalagpasan ni Dela Cruz ang bronze medal performance sa naturang event sa nakalipa sna taon, habang ang naitalang 33.82 ay ikalawang pinakamabilis sa naturang division para sa final qualifying ng pagpili sa National Team sa 2019 SEA Games.

Kinahapunan, umusad din sa finals ng girls 100-m breaststroke si Dela Cruz at kasanggang si Mary Sophia Manantan sa qualifying time na 1:154.67 at 1:18.84, ayon sa pagkakasunod.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Sabak din sa finals ng girls 100m butterfly si Swim Pinas swimming sensation Micaela Jasmine Mojdeh at Camille Lauren Buico, gayundin ang kapwa Swim Pinas stalwarts na sina Jordan Ken Lobos, Merview Jules Mirandilal at Miguel Barreto.

Nasa ikaanim sa walong qualifier si Lobos sa oras na 1:08.37; habang sina Miguel at Mervien ay ikapito at ikawalo sa 100m butterfly sa tiyempong 58.64 at 59.92, ayon sa pagkakasunod, at pang-apat si Mojdeh sa kanyang division (1:04.50) ay panglima si Camille (1:04.69).

Nakamit naman ni Philip Joaquin Santos, isa ring PH Junior national record holder, ang bronze sa Boys 200m Backstroke event.

Kinapos naman sina Mishka Sy, 14, sa podium ng Girls 200m Backstroke event matapos pumang-apat sa tiyempong 2:25.45, sa likod ni bronze medalist mula sa Singapore na naorasan ng 2:25.23.

Hindi rin pinalad si Miguel Barreto, isa sa anim na lalaking swimmers na na-delayed ang pag-alis sa Manila airport, na pumang-apat sa boys 400m freestyle sa tiyempong 4:05.56. Naungusan siya sa bronze ni Thailand’s Sarith Petchakul (4:04.34).

Tumatayong coach ng swimming team sina Virgilio De Luna at Marichi Gandiongco, kasama ang team manager na sina Leo Angelo Semarang at Buddy Arcangel.

Matikas namang bumalikwas mula sa unang set na kabiguan ang Team Philippines girls volleyball team tungo sa dominanteng 23-25, 25-13, 25-20, 25-20, panalo laban sa host Indonesia.

Isinatabi ng PH spikers ang hiyawan mula sa local crowd para malagpasan ang karibal at masiguro ang podium finish sa torneo na inorganisa ng Department of Education (DepEd) sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission. Si PSC Commissioner Charles Maxey ang tumatayong Chief of Mission.