Standings W L
San Beda 2 0
SSC-R 1 0
CSB 1 0
Perpetual 1 0
Letran 1 1
LPU 1 1
EAC 1 1
Mapua 0 1
Arellano 0 2
JRU 0 2
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center)
12 noon – Letran vs JRU (M)
2:00 n.h. -- Mapua vs SSC-R (M)
4:00 n.h. -- Perpetual vs CSB (M)
MAKAHANAY ng defending Champion San Beda University sa pamumuno ang tatangkain ng tatlong koponang San Sebastian College, University of Perpetual at College of St.Benilde sa pagsalang nilang muli ngayong hapon sa nakatakdang triple bill sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.
Unang sasalang ang Stags ganap na 2:00 ng hapon kontra Mapua University Cardinals kasunod ng unang salpukan sa pagitan ng Letran at Jose Rizal University ganap na 12:00 ng tanghali.
Susundan ito ng tapatan ng Altas at ng Blazers sa huling laro ganap na 4:00 ng hapon.
Pare-parehas na nagsipanalo sa kani-kanilang unang laro ang Stags, Altas at Blazers at magtatangka ngayong masungkit ang ikalawang dikit nilang panalo upang makatabla sa kasalukuyang solong lider na Red Lions(2-0).
Inilampaso ng San Sebastian para sa una nilang panalo, 82-51 ang Jose Rizal University, inungusan ng Altas ang Mapua University Cardinals, 80-78 habang pinataob ng Blazers ang Emilio Aguinaldo College Generals, 89-66 lahat noong nakaraang Hulyo 9.
Sa unang laro, tatangkain naman ng Letran Knights na madugtungan ang naitala nilang panalo sa ikalawa nilang laro kontra season host Arellano University noong Hulyo 12 sa iskor na 81-72 upang makabawi sa kabiguang nalasap noong opening day sa Lyceum.
Para naman sa katunggaling Heavy Bombers, magkukumahog itong makaiwas na malaglag sa ikatlong sunod na pagkatalo.
Tatangkain din ng Cardinals na makabangon buhat sa pagkatalong natamo sa kamay ng Altas.
-Marivic Awitan