Patay ang isang 63-anyos na lalaking motorista matapos na barilin sa dibdib ng isang nakamotorsiklo, habang bumibiyahe sa Makati City, ngayong Linggo ng umaga.

‘SANG BALA LANG Itinuro ng pulis ang entry point ng nag-iisang bala na pumatay kay Jesus Dimayuga, 63, habang nagmamaneho kasama ang kanyang misis sa Osmeña Highway sa Bgy. Bangkal, Makati City, ngayong Linggo ng umaga. (ALI VICOY)

‘SANG BALA LANG Itinuro ng pulis ang entry point ng nag-iisang bala na pumatay kay Jesus Dimayuga, 63, habang nagmamaneho kasama ang kanyang misis sa Osmeña Highway sa Bgy. Bangkal, Makati City, ngayong Linggo ng umaga. (ALI VICOY)

Isang tama ng bala sa dibdib, malapit sa puso, ang kaagad na tumapos sa buhay ni Jesus Dimayuga, 63, ng Bonifacio Street, Barangay Bangkal, sa nasabing lungsod.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nag-iisang lalaking suspek na mataba, nakasuot ng olive green jacket, dilaw ang helmet, at sakay sa motorsiklong walang plaka.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Sa inisyal na ulat ng Makati City Police, nangyari ang pamamaril sa panulukan ng Osmeña Highway at Cailles Street sa Bgy. Bangkal sa lungsod, dakong 8:25 ng umaga.

Ayon sa misis ng biktima na si Ramona Dimayuga, sakay sila sa kanilang silver Honda CRV (XGZ 906) at binabagtas ang lugar nang biglang sumulpot ang salarin at pinagbabaril si Dimayuga.

Mabilis na tumakas ang suspek patungong EDSA sa Pasay City.

Makalipas ang ilang oras, natagpuan sa bakanteng lote sa La Guardian Street sa Bgy. Bangkal ang abandonadong motorsiklo na ginamit ng suspek.

Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon at follow-up operation ang mga pulis para sa ikaaaresto ng gunman.

Naniniwala naman si Major Gideon Ines Jr., hepe ng Makati Police Investigation Unit, na posibleng professional hitman ang pumatay sa biktima.

“We believe that the gunman who shot dead Dimayuga is a professional hitman. Imagine, it took him only one bullet to kill him. He shot him in the chest, near to his heart,” ani Major Ines.

Sinabi pa ni Major Ines na batay sa salaysay ng maybahay ng suspek, walang kaaway ang huli at hindi rin naglalalabas ng bahay simula nang magretiro.

-Bella Gamotea at Jel Santos