Lumabag sa alituntunin ng Food and Drugs Administration o FDA ang kumpanyang nagbebenta ng Cosmic Carabao gin, na pumatay sa isang babae, kamakailan.
Sinabi ni FDA Officer-in-Charge Eric Domingo na ang Cosmic Carabao gin ay hindi pa dapat ibinenta sa merkado dahil hindi pa aprubado ng ahensiya ang application for certificate of product registration nito.
“Hindi pa nai-inspect at hindi pa nate-testing itong produkto. Technically, hindi pa maaaring ibenta sa merkado, dahil wala pang lisensiya,” giit ni Domingo.
Dagdag pa niya, maaaring kasuhan at pagmultahin ang Juan Brew, ang kumpanyang nagbenta ng naturang alak, dahil sa paglabag nito.
“Definitely may paglabag, kasi ibinenta niya ang produkto bago niya makuha ang certificate of product registration. Ang pagbebenta nito na walang (certificate of product registration) ay violation ng kanyang license to operate,” paliwanag ni Domingo.
Ayon sa FDA, dapat managot ang mga nagtitinda ng Cosmic Carabao.
“Itong mga restaurant at bars, hindi sila dapat nagse-serve ng mga produkto na walang FDA registration. Kapag mapatunayan na ito nga ang sanhi ng problema, then may pananagutan din sila,” paalala pa ng opisyal.
Matatandaang isang babae ang nasawi, habang isa pa ang kritikal, makaraan uminom ng nasabing alak, sa Maginhawa Street in Quezon City.
Ayon sa FDA, maaaring may methanol ang nasabing produkto.
“Kapag improperly processed ang liquor, maaaring magkaroon ng methanol, o kaya kung nilalagyan ito ng methanol from other sources,” ani Domingo.
Ang sintomas ng pagkalason sa methanol ay pakiramdam ng lula, pagsusuka, pananakit ng katawan, at panlalabo ng paningin, na maaaring mauwi sa pagka-comatose, kombulsiyon, at pagkamatay, ayon kay Domingo.
Ayon sa World Health Organization, nabubuo ang mataas na concentration ng methanol sa alak kapag mali ang distillation process.
-Beth Camia