Patay ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Bagong Lipunan sa Quezon City, ngayong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Staff Sergeant Fernando Diamzon, 49, nakatalaga sa Intelligence Group ng Philippine National Police (PNP).
Sa report, pauwi na ang biktima, sakay sa kanyang motorsiklo (1301-1341946) at pagsapit sa kahabaan ng Bonnie Serrano Avenue ay pinagbabaril ng riding-in-tandem, bandang 8:45 ng umaga.
Walang plaka ang kinalululanan ng mga suspek, na kapwa nakasuot ng helmet.
Narekober sa pinangyarihan ang pitong basyo ng bala ng .45 caliber.
Ayon sa awtoridad, posibleng may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang sa biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
-Fer Taboy