Apat na operatiba at isang civilian employee ng PNP ang inaresto makaraang maaktuhan umanong nag-iinuman sa Cubao, Quezon City.
Ang matindi pa, ayon kay Col. Romeo Caramat, nagkatayaan din ang apat na pulis sa online cockfighting o e-sabong nang madakip sila sa loob ng isang restaurant sa Barangay Bagong Lipunan, bandang 10:00 ng gabi nitong Miyerkules.
Si Caramat ang hepe ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), dating Counter-Intelligence Task Force, na anti-scalawag unit ng PNP.
“This is in violation of the directive of President Duterte to refrain from drinking and gambling,” sinabi ni Caramat ngayong Huwebes.
Arestado sina Senior Master Sergeant Gerry Ocampo, nakatalaga sa Crime Laboratory; Senior Master Sergeant Demetrio Laroya, Staff Sergeant Erwin Gobis, at Corporal Ariel Pasion, pawang taga-Health Service; at ang civilian employee na si Leo Ocinar, nagtatrabaho sa Directorate for Personnel Records and Management.
Kasama rin sa inaresto sa operasyon ang dating pulis na si Fidel Agustin, na kasalukuyang sinisikap na makabalik sa PNP; at si Teddy Carpio, may-ari ng online game establishment.
“The operation stemmed from the reports received by IMEG that several policemen are frequently seen engaged in an online betting and drinking spree at the said establishment,” ani Caramat.
Nasamsam mula sa operasyon ang perang taya na aabot sa P14,430, dalawang TV sets na ginagamit sa online gambling, digital video recorder, isang roll ng betting ticket, dalawang high-definition digital box, at 23 bote ng wine.
Batay sa isinagawang beripikasyon, sinabi ni Caramat na tanging e-sabong license ang mayroon ang establisimyento, at ito ay ibinigay sa Phil Cockfighting International, Inc. sa Pampanga.
Ayon kay Caramat, ang lahat ng inaresto at kakasuhan, bukod pa ang mga kasong administratibo na isasampa laban sa mga empleyado ng PNP.
Aaron B. Recuenco