Dalawang drug suspects, kabilang ang lalaking nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Army, ang inaresto sa buy-bust sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Police Lt. Col. Giovanni Caliao, hepe ng Quezon City Police Station 7 (PS-7), ang mga inaresto na sina Daisy Potente, 39; kasama niyang si Eril Laustristica, 33, kapwa ng Barangay Immaculate Conception sa Cubao.

Ayon kay Caliao, sinabi Laustristica na siya ay dating ex-Army nakatalaga sa Tarlac bago siya nag-absent without official leave (AWOL) noong Enero ng kasalukuyang taon.

Matapos na umalis sa serbisyo, sinabi ng awtoridad na umanib si Laustristica kay Potente, na kilalang tulak ng droga sa lugar, sa kanyang ilegal na aktibidad.

Probinsya

Pamilya, nasagip matapos bumagsak isang tulay sa Masbate

Nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng PS-7 Drug Enforcement Unit laban sa mga suspek sa EDSA corner Aurora Boulevard sa Barangay E. Rodriguez, dakong 10:30 ng gabi.

Isang undercover cop ang nakipagtransaksiyon sa mga suspek at bumili ng P500 halaga ng shabu, na sanhi ng kanilang pagkakaaresto.

Nakuha sa mga suspek ang walong pakete ng shabu, na nagkakahalaga ng P4,000, at buy-bust money.

Kakasuhan ang mga suspek sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

-Alexandria San Juan