Vargas, nagbitiw bilang POC president

MATAPANG na hinarap ni Ricky Vargas ang mga hindi nasisiyahang miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC) Executive Board, ngunit imbes na ipaglaban ang sarili sa mga kontrobersya at isyu na ibinabato sa kanya, isang ‘resignation letter’ ang ipinamukha sa Council.

Vargas

Vargas

Binitiwan ni Vargas ang pagkapangulo ng Olympic body at iginiit na ibinibigay niya ang pagkakataon sa iba na pamunuan ang POC na mas epektibo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“This is to inform the Executive Board of the Philippine Olympic Committee that I am tendering my irrevocable resignation from the post of President of the organization, effective immediately,” pahayag ni Vargas sa kanyang sulat na iniwan sa Board bago kaagad na tumalilis.

Mistulang isang pagdiriwang ang kaganapan, higit at bukas na libro ang kagustuhan ng walo sa 13 miyembro ng POC Board na pawang kaalyado ng dating POC Chief na si Jose ‘Peping’ Cojuangco, ang naging desisyon, at agad na ipinapatuloy ng Coucil ang pagpupulong kung saan iniluklok si POC 1st vice president Jose ‘Joey’ Romasanta bilang bagong POC Chief.

Hindi pa malinaw kung kailangan pang idaan sa POC General Assembly ang pagkakaluklok ni Romasanta na kilalang malapit kay Cojuangco, na nauna nang nagpahayag ng kawalan ng interest namuling mamuno sa pinakamataas na sports body sa bansa.

Halos 18 buwan lamang ang panunungkulan ni Vargas mula nang manalo laban kay Cojuangco sa election na ipinag-utos ng Pasig Regional Trial Court noong Mayo ng nakalipas na taon. Kinatigan ng local court ang reklamo ni Vargas hingil sa pagdiskwalipika sa kanya sa POC election noong 2016 na pinagwagihan ni Cojuangco.

Kasama niyang nahalal si Congressman Abraham ‘Bambol’ Tolentino, habang nanatili naman ang Board members na sina first vice president Joey Romasanta, second vice president Jeff Tamayo, treasurer Julian Camacho, auditor Jonne Go, at mga miyembro na sina Clint Aranas ng archery, Cynthia Carrion ng gymnastics, Robert Mananquil ng billiards at Rep. Butch Pichay ng chess, IOC member Mikee Cojuangco-Jaworski at si Cojuangco.

Bilang isang corporate executive, tila hindi nasakyan ng Board ang diskarte ni Vargas at isang kudeta ang napabalita, higit nang masangkot si Vargas sa diumano’y pagtatayo ng Phisgoc Foundation na siyang nagpapatakbo ng kahandaan sa 30th SEA Games na gaganapin sa bansa.

Batay sa impormasyon, kinukwestyon ng POC Board ang transaction ng Phisgoc Foundation. Batay sa nakaugalian, binubuo dapat ang Phisgoc ng POC president at PSC Chairman, gayundin ang kinatawan ng pamahalaan sa executive level.

“After much introspection, I have determined that there would be other sports leaders who would have the time and inclination needed to lead the POC more effectively,” ayon sa resignationletter ni Vargas.

Inatasan din ni Vargas si POC Secretary-General Pato Gregorio na makiisa at tumulong sa transition period ng bagong POC president.

“I have requested Secretary-General Patrick Gregorio to assist the incoming president in the smooth transition of leadership until he - the new president - shall have appointed his own Secretary-General,” ayon kay Vargas.

Hiniling din ng Vargas, pangulo ng boxing association, ang kahinahunan at pang-unawa sa kanyang naging desisyon.

“I ask for the understanding of all concerned, most especially the athletes and NSAs who have supported my initiatives in the organization.”.

“Rest assured, I will continue to support Philippine sports in my private capacity, particularly as an official of the MVP Sports Foundation and as President of ABAP,”aniya.

Sa panunungkulan ni Vargas naisubi ng POC ang mahigit P10 milyon na pondo mula sa donasyon ng pribadong sektor, kabilang na ang Smart Communication ni basketball chairman Manny Pangilinan.

-Edwin Rollon