Sinusuri na ng mga opisyal ng Pilipinas sa United Arab Emirates (UAE) ang ulat na nagsasabing kasali ang dalawang Pilipino sa mga naaresto kamakailan dahil sa umano’y pagpapakalat ng mga content hinggil sa pag-atake at air defense interceptions sa Dubai, bunsod ng patuloy na girian sa Middle East.
Ayon sa pahayag ng Embahada ng Pilipinas sa United Arab Emirates (UAE) nitong Linggo, Marso 15, ang nasabing ulat ay binabantayan na ng Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi at Konsulado sa Dubai.
Anila pa, ang mga opisyal ay kumuha na rin ng kumpirmasyon at mga karagdagang detalye sa mga awtoridad sa UAE hinggil sa identidad, estado, at legal na kalagayan ng mga nasabing kaugnay na Pinoy sa naging paghuli.
“The Philippine Embassy in Abu Dhabi and the Consulate General in Dubai are closely monitoring reports that two Filipino nationals are among those arrested for posting and sharing videos and other online content related to the recent attacks and air defense interceptions in Dubai,” saad ng Embahada sa UAE.
“Philippine officials have sought official confirmation and further details from the competent UAE authorities regarding the identity, status, and legal circumstances of any Filipino nationals involved, dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan, tiniyak ng Embahada na kanilang nirerespeto ang pamamahala ng UAE at kapangyarihan nitong ipatupad ang kanilang batas sa pambansang seguridad at cybercrime.
Sinegundahan din nito ang mga inilabas na paalala ng mga awtoridad sa UAE na maituturing na kasong kriminal ang paglalabas at pag-reshare ng mga mapanlinlang na content na nagpapakita ng air defence interceptions, mga pag-atake, at AI (artificial intelligence)-footage, at ang kaakibat nitong parusang pagkakakulong at multa.
Kaya ipinaalala ng Embahada sa mga Pinoy sa UAE na maging responsable sa paggamit nila ng social media at messaging platforms.
Gayundin ang pag-iwas sa pag-record, posting, forwarding, at pag-comment sa mga hindi beripikadong content.
Pinaiiwas rin dito ang mga Pinoy sa UAE na kumuha lamang ng impormasyon sa mga opisyal na anunsyo ng mga opisyal para sa mga update sa nagaganap na Middle East.
“The safety and welfare of Filipinos in the United Arab Emirates remain a prime concern of the Philippine government,” pagtitiyak ng Embahada.
“The Embassy and Consulate General will continue to coordinate closely with UAE authorities and call on the Filipino community to fully respect local laws, customs, and security protocols that have been instituted for the safety of everyone in the UAE,” dagdag pa nito.