UMAASA sina Ai Ai de las Alas at Bayani Agbayani na mabi-break ng pinagbibidahan nilang pelikulang Feelennial (Feeling Millennial) ang matumal na pasok ng moviegoers sa pelikulang lokal. Ayon sa bagong love team, masaya, may kilig at kumpleto sa rekado ng blockbuster hit ang romantic comedy movie nila.

Ai Ai at Bayani

“Noong napanood ko ‘yong movie noong nag-dubbing kami ng ibang parts, sabi ko sa sarili ko, ‘Ay, mayroon na ulit akong bagong ka-love team’,” kuwento ni Ai Ai nang humarap ang cast sa press launch kamakailan. “Kasi nakita ko ‘yong parang closeness ng puso namin kay Bossing (Vic Sotto), eh.

“’Yon talaga ang ka-love team ko, eh. Pero noong napanood ko ‘yong kami ni Bayani, ‘Ay, may bago na akong love team, may gano’n. May kilig factor kapag nanonood ka ng pelikula, so cute.” Ganito rin ang realization ng bagong leading man ni Ai Ai.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

“May chemistry po pala kami,” kuwento ni Bayani. “Kasi po may chemistry kami off-cam, so hindi namin alam kung nasa harap ng camera ay gano’n pa rin.

“So, nalaman namin na kung ano pala ‘yong samahan at treatment namin bilang magkaibigan sa likod ng camera, gano’n din pala sa harap ng camera. Kaya naging natural na natural ‘yong takbo ng karakter namin sa pelikula.

“At natuwa naman kami kasi, kung gaano kami naghaharutan kapag walang camera, kung paano kami nagpapatawa sa isa’t isa, kung papaano kami nagmamahalan sa likod ng camera, eh, gano’n din, nakita sa harap ng camera. So, ‘no acting, please’ ang nangyari dito sa pelikula.”

Gumaganap si Ai Ai bilang si Madame Bato-bato, mayamang single mom na wala nang mahihiling pa sa buhay kundi ang atensiyon ng unico hijo na si Nico (Arvic Tan). Pinipilit niyang makapasok sa mundo ng anak sa pagsabay sa millennial activities nito pati na sa online dating, at dito niya nakilala si Chito (Bayani), mayamang bachelor na kapapanalo lang ng jackpot sa lotto.

Hindi sila nagkaigihan sa una nilang encounter at sa sumunod pang mga kapalpakan at misadventures. Co-stars nila sina Nar Cabico, Ina Feleo, Nicole Donesa, Jelai Andres, Sofia delas Alas, Micah Muñoz, Raffy Roque at may special participation sina Paolo Ballesteros, Martin Nievera at si Pops Fernandez na co-producer ng Cignal Entertainment.

Ito ang unang movie venture ng DSL Productions ni Pops na mahigit 30 taon nang nagpoprodyus ng successful concerts. Mula sa direksiyon ni Rechie del Carmen, sa June 19 na ang playdate ng Feelennial.

-DINDO M. BALARES