Matapos na ipatigil ng pamunuan ng Light Rail Transit-Line 2 (LRT-2) ang operasyon ng kanilang mga tren dahil sa sirang riles, balik-operasyon na ito ngayong Biyernes ng tanghali.

LRT-2_ONLINE

Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng Light Rail Transit Authority (LRTA), sa ganap na 9:54 ng umaga ngayong Biyernes ay nagdeklara ng "code red" ang LRT-2 dahil sa problema sa riles na malapit sa Cubao Station sa Quezon City.

Paliwanag ni Cabrera, sa ilalim ng "code red," pansamantalang itinigil ang operasyon ng mass rail system at lahat ng tren ay kinailangang mag-unload o magbaba ng mga pasahero sa pinakamalapit na istasyon.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Pansamantala ring hindi nagpapapasok ng mga pasahero sa mga istasyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Cabrera na agad silang nagpakalat ng engineering staff, na nagsagawa ng assessment, at pagsapit ng 11:28 ng tanghali ay nagbalik na sa normal na operasyon ang biyahe ng LRT-2.

Humingi ng paumanhin si Cabrera sa mga pasahero na naapektuhan ng naturang aberya.

-Mary Ann Santiago