TACLOBAN CITY – Naabo ang 14 na bahay, na pawang gawa sa light materials, nang tamaan ng kidlat sa Purok 1, Barangay Capoocan, Calbayog City, nitong Huwebes ng hapon.
Sa imbestigasyon ng Calbayog City Central Fire Station, nagsimula ang apoy nang tamaan ng kidlat ang bubong ng bahay ng isang Donna Ecal.
Ayon kay Fire Officer 3 Roy Marquez, sinabi ng imbestigador na bumuhos ang malakas na ulan sa lugar na may kasamang kidlat, ngunit bigong mapatay ang apoy.
Nagsimula ang apoy sa ganap na 2:50 ng hapon, na umabot sa ikalawang alarma, at tuluyang naapula pagsapit ng 3:38 ng hapon.
Tinatayang aabot sa P270,000 ang halaga ng naabo, habang walang nasugatan sa insidente.
Samantala sa Calauag, Quezon, patay ang isang mangingisda nang tamaan ng kidlat habang pumapalaot sa Bgy. Kuyaoyao, nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na Jose Miraposque Bujatin, nasa 60 anyos, taga-Pinagsakayan dito.
-Marie Tonette Marticio at Danny Estacio