MATAPOS na humarap sa media at umamin na siya si “Bikoy” sa video na nag-viral sa social video, muling humarap si Peter Joemel Advincula sa media nitong Huwebes. Sa kanyang naunang press briefing, pinatotohanan niya ang laman ng video na ang pamilya ni Pangulong Duterte ay dawit sa illegal drug trade.
Ang anak ng Pangulo na si Paolo, manugang na si Manases Carpio at ang dating presidential special assistant na ngayon ay senador na si Christopher “Bong” Go ay pawang kasapi umano ng sindikato ng droga, na kumita ng milyun-milyong narco-money. Sa huli niyang pagharap sa media, pinasinungalingan niya ang mga ito at sinabing ang video hinggil sa “Ang tunay na Narcolist” ay bahagi ng plano ng oposisyon na patalsikin ang Pangulo. Ang Liberal Party (LP) umano , sa pamamatnubay ni Sen. Antonio Trillanes, ang utak sa likod ng series videos.
“Itinatatwa ko ang mga alegasyon nitong si Bikoy character. Isa na naman itong tusong maneobra ng administrasyon para gipitin ang oposisyon,” wika ni Trillanes. Kahit sino ang ipahamak ni Advincula pagkatapos ng kanyang unang press conference ay ganito rin ang magiging palagay niya. Una, ang nagharap sa kanya sa media ay ang mga pulis sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City. Ginawa ng mga pulis ang press conference pagkatapos siyang dakpin ng mga pulis na taga-Northern Police District sa isang apartment sa The Grove, Pasig City. Nakapaligid sa kanya ang mga pulis habang nagsasalita siya sa mga mamamahayag.
Noong una niyang isiwalat ang “Bikoy” at “Ang tunay na Narcolist”, ginawa niya ito sa harap ng media sa opisina ng Integrated Bar of the Philippines, na opisina ng lahat ng mga abogado sa buong bansa. Nasa kanya ang lahat ng kalayaang magsalita dahil, hindi gaya ng mga pulis, ang mga abogado ay walang kakakayahang gawan siya nang masama. Hindi nga siya dinakip ng mga ito kahit may mga nakabimbin na warrant of arrest laban sa kanya.
Ikalawa, nang maghayag si Advincula sa IBP, kahit iniulat na ang nagdala sa kanya ay mga madre, wala namang madreng nakita doon o kasama niya habang nakaharap siya sa media. Pero, sa PNP Headquarters, kitang-kita na sinamahan siya ng kanyang mga kamag-anak. Normal lang na kapag may hinuli ang mga pulis, sumasama ang sinumang kamag-anak upang masiguo nila ang kanyang kaligtasan.
Kahit sirang-sira na ang kredebilidad ni Advincula dahil pabagu-bago ang kanyang pahayag at maraming kasong panloloko ang kanyang hinaharap, iimbestigahan pa rin daw ng PNP ang kanyang ihahayag. Ang iimbestigahan ba ay ang “Ouster Plot” na binalak ng oposisyon o “Ang Tunay na Narcolist”? Imbestigahan man o hindi “Ang Tunay na Narcolist”, nagkalat na sa buong bansa ang mga ilegal na droga. Walang nahuhuli sa mga bloke-blokeng cocaine na nasasabat sa karagatan, pero maraming nahuhuli at napapatay sa paggamit at pagbenta ng droga. Sila ay mga dukha.
-Ric Valmonte