Nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa tatlong babae ang nasa P4,700,000 halaga ng hinihinalang shabu, na nakasilid sa lalagyan ng tsaa, sa buy-bust operation sa Taguig City, nitong Linggo.

SHABU

Nasa kustodiya ngayon ng PDEA Headquarters sa Camp Crame, Quezon City ang tatlong hindi pinangalanang suspek, kabilang ang isang alyas “Lina”.

Samantala, arestado rin ang isang lalaki, na kinilala sa alyas “Miguel”, dahil sa tangka umanong panunuhol ng P399,000 sa loob ng tanggapan ng PDEA upang mapalaya ang nililigawan niyang si alyas Lina, at tuluyang maabsuwelto sa kasong ilegal na droga.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Sa ulat ni PDEA Director Levi Ortiz, nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA laban sa isang alyas “Stoleen Dimapuro”.

Isang impormante ang nagsilbing poseur buyer ng P1.2-milyon droga, pero sa halip na si alyas Stoleen Dimapuro ang dumating ay ang tatlong babaeng suspek ang nag-abot umano ng droga.

Nasamsam sa tatlong suspek ang malalaking plastic bag, na may 700 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P4.7 milyon, at nakasilid sa lagayan ng tsaa.

Habang nakadetine at isinasailalim sa imbestigasyon ang mga suspek sa PDEA, dumating si alyas Miguel, kasama ang 11 katao, bitbit ang isang bag at inihatag ang pera at tinangkang suhulan ang awtoridad, na nakuhanan pa ng video, bago mag-12:00 ng hatinggabi.

Depensa naman ni alyas Miguel, inutusan lang siya ng pamilya ni alyas Lina na ibigay ang pera matapos umano siyang pangakuan na ipakakasal sa kanya ang babae kapag natubos niya ito sa PDEA.

Nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) ang tatlong babaeng suspek, habang tinutugis pa ng mga awtoridad si Dimapuro.

Kakasuhan naman ng corruption of public officials si alyas Miguel, habang iniimbestigahan din ang 11 katao na kasama niya nang magtungo sa PDEA.

-Bella Gamotea