ANG Mayo ay tinatawag na “buwan ng mga kapistahan at bulaklak” sapagkat maraming pagdiriwang sa mga bayan sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. Sa pagdiriwang ng kapistahan tuwing Mayo, ang pagpaparangal at debosyon ay nakasentro sa Mahal na Birhen. Sa Bulacan, Nueva Ecija, Cavite, Rizal, Quezon, Batangas, Marinduque, Mindoro, Pangasinan, La Union at iba pa, ang Mahal na Birhen ang karaniwang pinaka-patroness ng pagdiriwang. Nagdaraos ng siyam na gabing nobena sa mga simbahan o kapilya. At pagsapit ng araw ng kapistahan, naghahanda ang mga residente ng kanilang makakaya. Sa gabi ng kapistahan, ang imahen ng Mahal na Birhen ay ipinuprusisyon. Sakay sa andas at sinuotan ng mga dekorasyon.
Idagdag pa ang paglalakbay sa mga dambana ng Mahal na Birheng Maria, sapagkat ang Mayo ay pinaniniwalaang Buwan ni Maria. At isa sa mga tradisyon tuwing Mayo ang pagdaraos ng “Flores de Mayo” o pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen.
Tuwing hapon, tanawin sa loob ng mga simbahan ang Flores de Mayo. Kabilang sa mga inaalay na bulaklak sa Mahal na Birhen ang sampaguita, ilang-ilang, at kampupot.
Ang Flores de Mayo ay dinadaluhan ng mga batang babae at lalaki, mga dalaga at binata, mga senior citizen at iba pa na may panata at debosyon sa Mahal na Birhen.
Ang Flores de Mayo ay nagsisimula tuwing unang araw ng Mayo hanggang sa katapusan ng nasabing buwan. Sa pag-aalay, isinasabay ang pag-awit ng “Dalit” o Awit-Papuri sa Mahal na Birhen. Ganito ang ilan sa mga halimbawa ng Dalit: “Halina at magsidulog, kay Mariang Ina ni Hesus at ating tanang tinubos nitong Poong Mananakop; Sinatahin natin at igalang, yamang siya’y ating Ina.” Ang mga mag-aalay ng mga bulaklak at iba pang nasa simbahan ay sumaagot ng, “Halina at tayo’y mag-alay, ng bulaklak kay Maria. Halina at magsilapit/Dine sa Birheng Marikit/ na Inang kaibig-ibig, Dakilang Reyna sa langit, ampunin tayo’t saklolohan, yamang siya’y ating Ina; Halina at idulog dito, mga bulaklak sa Mayo; Umasa tayo at maghintay sa bawat ipagtatalaga. Marapat nawang tanggapin, Mga bulaklak naming hain, Galing sa puso’t damdamin, At dito inaasahan, mga paglingap mo Ina.” Ang mga mag-aalay naman ng bulaklak pati na ang ibang nasa loob ng simbahan ay sumasagot ng, “Halina at tayo’y mag-alay ng bulaklak kay Maria”.
-Clemen Bautista