Target ng Commission on Elections (Comelec) na maiproklama ang mga mananalong kandidato sa senatorial race sa loob lamang ng 10 araw.
Ayon kay Comelec Commissioner Luie Tito Guia, kung hindi mababago ang bilis ng proseso ng kanilang canvassing, maaaring sa loob ng 10 araw ay maiproklama na ang mga bagong senador at party-list.
Kaugnay nito, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na target nilang maiproklama nang sabay-sabay ang mga mananalo.
Nitong Martes ng hapon, Mayo 14, pormal na sinimulan ng poll body ang canvassing para sa official tally ng senatorial at party-list race, at hanggang 9:00 ng gabi ay 34 na sa kabuuang 167 certificate of canvass (COC) ang natapos nang bilangin.
Kaugnay nito, nagpahayag ang mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-National Secretariat for Social Action (NASSA)/Caritas Philippines ng pagnanais na suspendihin ng Comelec ang proklamasyon ng mga kandidato sa National Level hanggat hindi pa umano napapatunayang walang naganap na pandaraya at manipulasyon sa bilangan.
"Ang aming kahilingan ay seryosohin 'yung allegation, actually hindi naman natin sinasabi direkta na may dayaan, merong allegations of fraud and manipulation so what we are requesting or demanding to do is to suspend the proclamation until these allegations have been validated or disproved," ayon kay Fr. Edwin Gariguez, executive secretary ng CBCP-NASSA.
-Mary Ann Santiago