Binalaan kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko dahil sa inaasahang flashflood at landslide sa Mindanao at Visayas bunsod ng namataang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sinabi ni PAGASA weather forecaster Meno Mendoza, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 355 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Inaasahan aniyang magdadala ito ng kalat-kalat ngunit malalakas na pag-ulan sa Caraga, Davao Region, Northern Mindanao at Central Visayas.
Malaki rin aniya ang posibilidad na maging bagyo ang naturang LPA dahil sa patuloy na pagkilos nito patungong papasok ng PAR.
Makararanas din ng kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon bunsod ng umiiral na southwesterlies.
Inalerto rin ni Mendoza ang mga residente sa nabanggit na mga lugar dahil sa posibilidad na magkaroon ng flashflood at pagguho ng lupa.
-Ellalyn De Vera-Ruiz