IBANG klase talaga ang mga upahang mamamatay tao o sa mas pinagandang salita ay “hired guns”, na naglutangan ngayon sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo pa’t ilang araw na lamang ay halalan na.

Walang pinipiling target, lugar at oras ang mga ito, na kailangan nilang pagkilos upang ‘di agad masakote ng mga alagad ng batas, at parang malalakas ang loob dahil tila alam na alam nilang walang huhuli sa kanila!

Mahirap sabihin kung saan kumukuha ng tapang ang mga hinayupak na goons na ito – sa mga pulitiko ba o sa ilang mataas na opisyal sa pamahalaan – pero mas malamang dahil sa malaking halaga at iba pang pakinabang na mapapala sa pagpatay.

Sa pagiging defence at police reporter sa matagal na panahon, ramdam na ramdam ko ang kaibahan ng mga kriminal na ito sa ngayon kumpara sa “hired guns” noong nakaraang tatlong dekada, na mga sobrang ingat sa kanilang operasyon.

Isang halimbawa ng ganitong krimen ay ang naganap nito lamang nakaraang Sabado ng gabi, sa mismong bahay sa Bgy. Ibong Sapa, Virac, Catanduanes ni incumbent Representative Cesar Sarmiento kung saan puwersahang pinasok ng mga naka-bonnet at military uniform na armado, at walang awang pinahirapan ang mga dinatnan sa bahay na karamihan ay mga senior citizen!

Sa police report na ipinadala sa Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame na aking nakuha, ang mga pinosasan ay sina Rey Vargas, 71, ang duty guard; tricycle driver na si Antonio Barba, 60, na nakatambay sa harap ng bahay; at ang caretaker na si John Tabios, 31.

Pinagsisira ang mga pinto ng bawat silid na waring may hinahanap na target, buti na lamang ang asawa, anak at apo ni Rep. Sarmiento na sina Estela Marie, Sharita at Joseph ay nakapagtago sa isang ‘di mabuksang kuwarto.

Ang mga armadong suspek na bigong makakuha ng miyembro ng pamilya Sarmiento ay mabilis na tumakas gamit ang isang maroon na SUV, patungo sa direksiyon ng Virac Poblacion.

Puspusan ang imbestigasyong isinasagawa ng mga pulis sa lugar, kasama na rito ang pagsusuri sa finger prints at iba pang ebidensiya na nakalap ng Catanduanes Crime Laboratory Office sa bahay ni Rep. Sarmiento.

Kinokondena ni Rep Sarmiento ang pangyayari at ibinibintang niya na ang krimeng ito ay isa umanong desperadong aksiyon upang paatrasin siya at ang kanyang kapatid, si Jorge, sa kanilang pagtakbo bilang governor at congressman ng naturang lalawigan. Grabe, ang gulo talaga ng pulitika natin!

Si Cesar kasi ay 3rd-termer na bilang congressman at tumatakbo siya bilang katunggali ni incumbent Catanduanes Gov. Joseph Cua. Si Jorge naman ay tumatakbo bilang congressman sa babakantehin niyang puwesto. Hinala ng magkapatid ay “politically motivated” ang ginawang ito sa kanila at ang target ay dukutin ang apo ni Rep Cesar.

“I am appalled that it was just labelled as pure harassment by the Catanduanes Provincial Police. But trying to kidnap the congressman’s grandson where the perpetrators forcibly entered the house, destroyed the door locks and such was just branded Harassment,” dismayadong pahayag ni Jorge, matapos na mabasa ang report ng PNP.

Sa panahong ito na papasok na ang araw ng halalan – dapat lamang na paigtingin ng PNP, pati na ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang pagiging NEUTRAL sa lahat ng pagkakataon, upang walang pulis at militar na magamit ang mga ganid na pulitiko! Me tama ba ako – CPNP Gen. Oscar Albayalde, sir?

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.