Ipinagpaliban ng MMDA ang nakatakda sanang pagpapasara sa Sabado ng Marcos Bridge, na nag-uugnay sa Marikina at Pasig.

CLOSURE

Sa abiso ng MMDA, sisimulan ang pagpapasara ng eastbound portion ng tulay sa Mayo 11, isang linggo makalipas ang orihinal na schedule.

Nagdesisyon ang MMDA na i-delay ang road closure kasunod ng coordination meeting kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), pribadong contractor, at SM Marikina.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

Nakita sa isinagawang inspeksiyon ng MMDA na hindi pa handa ang pribadong contractor para simulan ang Marcos Bridge Rehabilitation Project na makakaapekto sa mga motorista at pasahero sa silangang bahagi ng Metro Manila.

Magbubukas pa ang pribadong contractor ng intersection para sa mga truck na dumadaan sa lugar; maglalagay ng traffic signal para sa mga truck na mula Libis at papuntang Katipunan sa Quezon City.

Magbubukas naman ng slot sa median island para sa mga mula Cubao pa-Antipolo at maglalagay ng signages na magpapaalam ng proyekto sa publiko.

Una nang sinabi ng MMDA na ang pagsasara ng tulay ay magtatagal ng apat hanggang limang buwan upang makumpini ito bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng “The Big One” sa Metro Manila.

-Bella Gamotea