Nag-alok ang pamahalaan ng P10-milyon pabuya sa ikadarakip ng sinibak na pulis na si Senior Supt. Eduardo Acierto.

ACIERTO

Ito ang kinumpirma ngayong Lunes ni Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra, at sinabing masyadong “madulas” si Acierto at hindi maaresto sa kabila ng warrant of arrest nito na ipinalabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 35.

Bukod kay Acierto, ipinaaaresto rin ng hukuman ang pito pa nitong kapwa akusado sa drug importation, na paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

“I'm not privy to where it will be sourced. The amount is certainly much larger than what the DoJ could offer,” sabi ni Guevarra nang tanungin ng mga mamamahayag kung saan kukunin ang nasabing pabuya.

Nagbanta rin si Guevarra sa mga nagkakanlong kay Acierto na mananagot ang mga ito sa batas.

“We'll have them arrested wherever Acierto may be found hiding and brought to inquest immediately,” sabi niya.

Kabilang din sa ipinaaaresto sina dating Bureau of Customs (BoC) intelligence officer Jimmy Guban; dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Deputy Director for Administration Ismael Fajardo; Chan Yee Wah; Zhou Quan, alyas “Zhang Quan”; Emily Luquingan; at consignees na mag-asawang Vedasto Cabral Baraquel Jr. at Maria Lagrimas Catipan ng Vecaba Trading.

Nag-ugat ang kaso sa pagpupuslit sa bansa ng bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu, gamit ang mga magnetic lifters, noong 2018.

Ngayong Lunes ay nagpalabas na rin ang Manila RTC Branch 35 ng hold departure order (HDO) laban sa grupo ni Acierto.

-Jeffrey G. Damicog at Mary Ann Santiago