Magkakasunod na niyanig ang Bataan at Davao Oriental habang naitala naman ang aftershock sa Zambales, ngayong araw.

Unang niyanig ng magnitude 4.4 ang Bataan, dakong 2:02 ng madaling araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Tectonic ang origin ng lindol at natukoy ang epicenter nito walong kilometro sa hilagang-kanluran ng Dinalupihan, Bataan.

May lalim na anim na kilometro ang pagyanig, kung saan naitala ang intensities sa mga lugar ng: Intensity III-San Ildefonso, Bulacan, Olongapo City, Guagua, Pampanga; Intensity II-Quezon City; Intensity I-Talisay, Batangas, Tagaytay City, Palayan City, Quezon City, Pasig City, at Gapan City.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Walang inaasahang aftershocks ang naranasang pagyanig.

Sinundan ng 4.7 magnitude sa Davao Oriental sa ganap na 11:43 ng umaga, ayon sa Phivolcs.

Tectonic din ang origin ng lindol at natukoy ang epicenter nito 63 kilometro sa hilagang silangan ng Baganga, Davao Oriental.

Naitala naman ang instrumental intensity 1 sa Bislig City, Surigao Del Sur.

Samantala, naramdaman naman ang magnitude 4.5 aftershock sa Zambales bandang 2:02 ng madaling araw, ayon pa sa Phivolcs.

Ito ay may lalim na 11 kilometro hilagangsilangan ng Castillejos.

Walang inaasahang aftershocks sa naranasang pagyanig.

-MB Online