TODO papuri kay San Miguel Corporation President Ramon S. Ang si dating Pangulong Fidel V. Ramos nang masorpresa ito sa ginawang pagdalaw sa kanya ng bilyonaryong negosyante, kasama ang mga dating tapat at pinagkakatiwalaan na mga tauhan, nito lamang nakaraang araw.
Sa isang munting salu-salo sa opisina ni FVR sa Ramos Peace and Development (RPDEV) Foundation sa Makati, ‘di nito napigilang ilarawan si RSA bilang isang “visionary, patriotic at strategic thinker” dahil sa mga nakahilerang proyekto ni RSA -- Bulacan International Airport; extension ng Tarlac - Pangasinan Expressway (TPLEX) na tuluy-tuloy na patungong Laoag, Ilocos Norte, at ilan pang proyekto para sa tubig at kuryente – na kapaki-pakinabang sa bansa.
“Continue with the noble task of nation building with the various flagship projects you are pushing for the country and our people. It’s seldom that we find a great Filipino and an alumnus of the Far Eastern University (FEU) like you,” bahagi ng papuri ni FVR.
Kasama ni RSA sa pagdalaw kay FVR ay sina dating Special Action Force (SAF) commander na ngayon ay MWSS Administrator Gen. Reynaldo V. Velasco, National Tobacco Administration (NTA) director Gen. Wilson Victorio, Engr. Alfredo Reyes, Freddie Jalasco at ang Ramos family biographer na si Melandrew T. Velasco.
Sa harap ng mga bisita ay sinariwa ni FVR sa kanyang alaala ang pagkakatatag ng unang “extension” ng paaralang FEU sa kanyang lalawigang sinilangan na Lingayen, Pangasinan, na aniya’y madalas niyang puntahan noong siya’y nagbibinata, upang maglaro sa loob nito na may bowling at bilyaran.
Ganting papuri rin naman ang binitiwan ng bilyonaryong negosyante kay FVR na sinabi nito na isang buhay na bayani ng Korean War at bayani rin ng EDSA sa pakikibaka nito laban sa rehimeng Marcos at pagtatanggol sa demokrasya ng siyam na beses noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, na inulan ng magkakasunod na “coup attempt” mula sa mga rebeldeng sundalo.
“Sir, you are one of kind who comes only once in our lifetime and we Filipinos are fortunate to have a leader and a statesman like you who continue to guide this nation,” sabi ni Ang kay FVR.
Todo ang pagmamalaki ni RSA sa kanyang proyektong Bulacan International Airport na itatayo ng kanyang kumpanyang SMHC sa 2,500 ektarya sa bayan ng Bulakan.
“The project, estimated at $15 billion, will be undertaken over a period of five to seven years to full completion. The Bulacan airport will have four parallel runways (expandable to six), and will be equipped with modern and world-class facilities,” ang sabi ni RSA.
Kapag inumpisahan na ang proyektong ito, siguradong dagdag trabaho ito para sa mga kababayan natin sa gitnang Luzon at tinatayang aabutin ng isang milyong trabahador ang kakailanganin sa sinasabing proyekto.
“Travel will be much easier and more comfortable for our air passengers, for overseas Filipino workers, and foreign tourists. Access will also be very easy with multiple expressways that will bring the airport within 30 minutes or shorter from anywhere in Metro Manila,” ang pagmamalaki pa ni RSA.
Inaasahan din na ang airport na ito – kapag natapos sa loob ng anim na taon – ay kayang mag-accommodate ng 100 milyong pasahero sa loob ng isang taon, di hamak na malaking improvement sa NAIA na ang kaya lamang ay aabot sa 31 million na pasahero.
Sana ganitong klaseng mga pagyayabangan ang parati nating maririnig sa mga kuwentuhan ng mga magkakaibigang opisyal ng pamahalaan at mga negosyante sa bansa – magaan sa dibdib at nakaaalis ng stress, lalo pa nga’t magkakatotoo at tayong mamamayang Pilipino ang makikinabang.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.