HINDI ko naikubli ang aking pangingilabot dahil sa paghanga sa isang 80 anyos o octogenarian na natitiyak kong binigyan ng standing ovation habang umaakyat sa entablado upang tanggapin ang kanyang diploma bilang isang high school graduate. Si Salvacion ‘Lola Sally’ Nacario, isa sa mga nagtapos sa Fort Bonifacio High School sa Makati City, ay halos malunod, wika nga, sa masigabong palakpakan ng mga dumalo at sumaksi sa naturang madamdamin at makasaysayang okasyon.
Sa pagtatapos ni Lola Sally, tulad ng tawag sa kanya ng mga kamag-anak at kaibigan, pinatunayan niya na hindi hadlang ang edad sa pagtuklas ng karunungan; naniniwala ako na pinatunayan din niya, higit sa lahat, ang kanyang matayog na pagpapahalaga sa edukasyon bilang isang matibay na hagdan sa tagumpay sa lahat ng larangan ng pakikipagsapalaran. Ito ang kanyang magiging gabay sa darating na mga taon—bilang nonagenarian at centenarian.
Marami ring katulad ni Lola Sally ang nagpamalas ng kani-kanilang walang katumbas na pagsisikap sa pagtuklas ng karunungan. Isa ring Lola, na ang pangalan ay nakahulagpos sa aking memorya, ang nagtapos sa elementarya, mga ilang taon na rin ang nakalilipas. Isipin na lang na naging kamag-aral pa niya ang isa sa kanyang mga apo; maliwanag na hindi niya ikinahiya ang gayong situwasyon, manapa ay lalong ikinarangal, dahil sa kanyang matinding hangaring madagdagan ang kanyang kaalaman at katalinuhan.
Kamakailan, isang pedicab driver naman ang nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in English sa Western Mindanao State University sa Pagadian City. Pinatunayan niya na hindi hadlang ang karalitaan sa pagtatamo ng karunungan; naghahanap-buhay sa araw at nag-aaral sa gabi.
Sagad sa langit ang aking paghanga sa isang Mangyan na nakasuot lamang ng bahag (loincloth) nang siya ay umakyat sa entablado upang tanggapin ang kanyang Bachelor of Science in Agriculture degree mula sa Northern Iloilo Polytechnic State College. Si Anthony Suday, ang kauna-unahang Mangyan mula sa Sablayan, Occidental Mindoro na nagtapos ng naturang kurso.
Sila, at natitiyak kong marami pa, ang nagpatunay na talagang walang anumang hadlang ang pagtuklas ng karunungan—isang katotohanan na pinahahalagahan naman ng gobyerno. Katunayan, itinatadhana sa Konstitusyon ang pagkakaloob ng libreng edukasyon sa sambayanan.
Gayunman, marapat lamang na paigtingin ng pamahalaan ang ganitong mga hangarin sa pamamagitan naman ng pagbabalangkas ng batas na nagtatadhana ng sapilitang pag-aaral o compulsory education.
-Celo Lagmay