SASAILALIM ang Rolling Stones frontman na si Mick Jagger sa heart surgery ngayong linggo kasunod ng kanselasyon ng North American tour ng banda dahil sa medical reasons.
Inihayag ng U.S. website na Drudge Report, batay sa pahayag ng hindi kinilalang sources, na sasailalim sa surgery si Mick, 75, ngyaong linggo sa New York para palitan ang isa niyang heart valve.
Ayon naman sa Page Six website ng New York Post, na nagmula rin sa mga hindi pinangalanang sources, “the surgery would involve placing a stent in the singer’s heart”.
Ang stent ay kadalasang ginagamit “to prop open arteries that have been cleared of a blockage”.
Wala pang inilalabas na pahayag ang mga kinatawan ni Mick.
Sabado nang ihayag ng banda na ipagpapaliban nito ang lahat ng show nila sa Amerika at Canada para bigyan ng oras si Mick na pagtuunan ang kalusugan nito. Hindi sinabi ng banda kung anong treatment ang kailangang gawin kay Mick ngunit sinabi nitong inaasahang makakarekober din agad ang singer.
Ang North American tour ay nakatakda sana sa April 20 hanggang June 29.
Nakunan ng litrato si Mick nitong Linggo sa Miami Beach, Florida, kasama ang girlfriend na ballet dancer, si Melanie Hamrick, at dalawang anak ng singer.
Hindi ipinaliwanag ng British singer ang kanyang medical issue ngunit sabi niya sa fans nitong Sabado, na “(he would be) working very hard to be back on stage as soon as I can.”
Matapos ang storied sex, drugs at rock-‘n-roll lifestyle noong kanyang kabataan, sumusunod na ngayon si Mick sa healthy diet, nag-eehersisyo at nagtatrabaho nang madalas.
-Reuters