Sinalakay ngayong Sabado ng mga pulis at militar ang umano’y safehouse sa Marikina City ng opisyal ng New People’s Army at nasamsam dito ang mga baril at granada, at ilang subersibong dokumento.
Ayon kay Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang safehouse sa Chrysanthemum Street, Loyola Residents, Civic Organizations Barangay Barangka ay pagmamay-ari ni Renante Gamara.
Matatandaang inaresto si Gamara sa Cavite noong nakaraang linggo.
Siya ay consultant ng communist rebels sa bigong usapang pangkapayapaaan sa pagitan ng pamahalaan.
Si Gamara, ayon sa awtoridad, ay Central Committee member ng CPP-NPA (Communist Party of the Philippines-New People’s Army). Siya ay secretary ng Metro Manila Regional Party Committee ng CPP NPA.
“We are now looking for the caretaker of the house identified as Ryan Dizon. He was not around when the search warrant was implemented on Friday,” ani Eleazar.
Ayon sa opisyal, nag-ugat ang pagsalakay sa operasyon sa Imus City sa Cavite noong nakaraang linggo, na sanhi ng pag-aresto kay Gamara at isa pang top ranking communist rebel.
“During the first operation, the operatives recovered a suspected fake ID of Gamara that lead them to conduct casing and surveillance on the indicated address which prompted the application of another search warrant,” ayon kay Eleazar.
Nag-apply ng search warrant ang mga pulis at militar, sa pamamagitan ng Joint Task Force- National Capital Region, upang salakayin ang bahay.
Nakumpiska sa operasyon nitong Biyernes ang iba’t ibang dokumento, isang Seafarer’s Identification at record book, dalawang granada at isang 9mm pistol.
Kakasuhan ang mga suspek sa paglabag sa Section 28 ng RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013) at RA 9516 (Illegal Possession of Firearms, Ammunition or Explosives).
“Gamara will remain detained at Regional Special Operations Unit Custodial Facility while Dizon who was not around during the implementation will be charged at-large,” ayon kay Eleazar.
Aaron Recuenco