MINNEAPOLIS (AP) — Ginapi ng Los Angeles Clippers, sa pangunguna ni Danilo Gallinari na may 25 puntos, ang Minnesota Timberwolves, 122-111, nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para makasikwat ng playoff spot.

Balik si coach Doc Rivers sa postseason matapos ang masaklap na kabiguan sa nakalipaa na taon. Tumapos ang Los Angeles sa 42-40 sa 2018 season, at nabigong makapasok sa playoffs matapos ang anim na sunod na taon.

Tangan ang 45-30 marka, tangan ng Clippers ang No.5 sa Western Conference.

Nag-ambag si Lou Williams ng 20 puntos mula sa bench para sa Clippers.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

RAPTORS 112, BULLS 103

Sa Toronto, hataw sina Norman Powell na may 20 puntos at Serge Ibaka na may 16 puntos sa panalo ng Raptors kontra Chicago.

Kumabig sina Kawhi Leonard at Kyle Lowry ng tig-14 puntos.

Nanguna sa Bulls sina Wayne Selden at Shaquille Harrison na may 20 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.

LAKERS 124, WIZARDS 106

Sa Los Angeles, sibak na sa playoff ang Lakers, ngunit hindi pa rin nawawala ang intensity sa laro ni LeBron James sa naiskor na 23 puntos at 14 assists para gapiin ang Washington Wizards.

Kumabig sina Kentavious Caldwell- Pope ng 29 puntos at kumana si JaVale McGee ng 20 puntos at 15 rebounds sa ikalawang sunod na panalo ng Lakers.