Hindi lang natupad ng 24-anyos na taga-Tondo ang ipinangako niya sa namayapang ama na magiging pulis siya, dahil nanguna pa siya sa 40th commencement exercises ng Philippine National Police Academy sa Camp General Mariano Castañeda sa Silang, Cavite ngayong Biyernes.
Nagtapos na valedictorian si Police Lieutenant (Inspector) Jervis Allen Ramos, ng PNP Sansiklab (Sandigan ng Mamamayan na may Sigasig na Itaguyod ang kapayapaan at Ipaglaban ang Bayan) Class of 2019.
Ang Sansiklab Class ay binubuo ng 154 na lalaki at 47 babaeng kadete. Dinomina naman ng kababaihan ang top 10 ng klase matapos makapasok ang anim sa listahan ng mga nangunang kadete.
Kasunod ni Ramos sina Lts. Merriefin Carisusa, ng Cebu; Mary Grace Pabilario, ng Negros Occidental; Ferdinand Mark Lagchana, ng Ifugao; Christian Albus, ng Camarines Sur; Janila Andrea Garan, ng Sorsogon; Ciara Ley Capule, ng North Cotabato; Mary Ann De Los Santos, ng Cagayan Valley; Anna May Mangabo, ng Occidental Mindoro; at Salvador Pidlaoan, ng Pangasinan.
Binigyan naman ng espesyal na pagkilala sina Lts. Jake Sawey at Darwin Sernio para sa Best in Thesis.
Sa kabuuang bilang ng nagtapos, 138 ang mapupunta sa PNP, 41 sa Bureau of Fire Protection (BFP), habang ang natitirang 22 ay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa valedictory speech ni Ramos, binalikan niya ang kanyang kabataan sa pinagmulan niyang komunidad at pinasalamatan ang kanyang mga magulang at pamilya sa suportang ibinigay ng mga ito upang makamit niya ang kanyang pangarap na maging isang pulis para sa kanyang ama.
“’Tila baga isang panaginip na maituturing na ang isang simpleng kabataan na hinubog ng reyalidad ng buhay sa Tondo ay nabigyan ng pagkakataong tumayo at magsalita sa libu-libong mamamayang Pilipino," pahayag ni Ramos.
“Pa, salamat sa sakripisyong iyong ipinagkaloob sa amin. Kayo po ni Mama ang matibay na sandigan, ang aking inspirasyon. Alay ko po sa inyo ang tagumpay na ito,” aniya.
Nakatanggap si Ramos ng Presidential Kampilan Award, Chief PNP Kampilan Award, Best in Forensic Science, Best in Thesis at Plaque of Merit bilang Top 1.
Makatatanggap din siya ng bahay at lupa na nagkakahalaga ng P1 milyon mula kay Pangulong Duterte, na dumalo sa pagdiriwang.
Hinikayat naman ng Pangulo ang mga nagsipagtapos “[to] be the best version of yourself" at tumulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, terorismo at kurapsiyon.
-Martin A. Sadongdong