R-16 ang movie edit ng Bagman na ipinalabas sa Trinoma Cinema 6 nitong Martes na dinaluhan ng hindi namin mabilang na artista ng ABS-CBN, na binubuo ng mga kaibigan at naka-trabaho ni Arjo Atayde, mga direktor ng pelikula at teleserye, Star Magic handler, at executives ng Kapamilya network sa pangunguna ng Presidente at CEO na si Carlo Lopez Katigbak, Chief Operatin Officer na si Ms. Cory Vidanes, Star Cinema managing director Olive ‘Inang’ Lamasan, Corporate Communication Vice President Kane Errol Choa at marami pang iba.
Siyempre in full force ang buong production team ng Dreamscape Entertainment/Digital sa pangunguna nina Deo T. Endrinal, Biboy Arboleda, Ethel Espiritu, Kylie Manalo Balagtas at marami pang iba. Si Eric John Salut ang host sa buong event.
Hindi na kami nagtakang R-16 ang movie edit ng Bagman dahil may eksenang nakakadiri bukod pa sa puro mura ang maririnig sa mga nagsiganap na sina Alla Paule, Jet Pangan, Raymond Bagatsing at Arjo.
Inspired by true events ang kuwento ng Bagman at ang lahat ng makakapanood ng series na ito sa iWant simula kahapon, Marso 20 ay makaka-relate, walang exception.
Ipinakita ni Direk Shugo ang mga senaryo kapag nalalapit na ang eleksyon at kung sinu-sino ang nilalapitan ng bagman, na mga maimpluwensiyang kandidato na kapag hindi ‘nabili’ ay may kalalagyan.
Ipinakita rin sa pelikula na ang mga ilegal na produkto ay laging may kinalaman sa mga taong nakaupo sa gobyerno. Tiyak na maraming tatamaan sa kuwento ng Bagman kung may mga katiwaliang ginagawa.
Labis na pinuri ng Rein Entertainment producers na sina Direk Lino Cayetano, Phillip King at Shugo Praico si Arjo sa pagganap niya sa karakter niyang si Benjo sa Bagman dahil sa husay nito, at totoo nga, nagsasabi naman sila ng totoo.
Kung hinangaan si Arjo sa mga naging karakter niya sa teleserye ay mas lalong hahangaan siya sa Bagman, napaka-effortless o natural, sabi nga ng lahat, ‘umaarte ba siya, e, parang ganyan naman talaga siya ‘pag kausap mo minus the mura.’
Isa si Angel Locsin sa nahingan namin ng feedback pagkatapos niyang mapanood ang Bagman.
“Panahon na para maglabas tayo ng ganitong stories, ang huhusay ng mga artista, grabe, ‘yung story telling napaka-flawless, ‘yung shots, ‘yung locations, galing ng mga artista, at saka ‘yung mga nangyayari (kuwento). Ngayon, alam natin na nangyayari ngayon sa paligid natin siyempre hindi natin masyadong alam especially ngayong eleksyon. I think makakatulong ito sa ating mag-decide kung ano ba talaga, lalo na ang boto natin na napakahalaga,” sabi ng aktres.
Kilala si Angel na very vocal sa saloobin niya tungkol sa mga kasalukuyang nangyayari ngayon lalo’t malapit na ang eleksyon na kanya-kanyang gapangan na naman.
Siyempre, hiningian din ng reaksyon ang aktres sa performance ni Arjo na kasama niya sa The General’s Daughter bilang si Elai.
“Alam mo nag-e-expect talaga ako ‘pag Arjo Atayde. Ang husay niya at iyon naman ang ibinigay niya rito (Bagman). Kasi iba naman siya sa ‘The General’s Daughter’ bilang Elai namin, dito iba ang transition niya from innocent na tao hanggang pinasok ang mundo na magkakaroon ka ng konting darkness dito. Wala rin akong ibang maisip na babagay sa role na ‘yun kundi si Arjo, kitang-kita natin ang iba’t ibang emosyon na kayang ibigay. Kaya dapat talagang panoorin ang streaming ng ‘Bagman’ sa iWant,” papuri ni Angel sa aktor.
Halos lahat ng nakapanood ng Bagman ay napapamura sa husay ni Arjo at isa rito ang direktor na si Carlo Catu na nagdirek ng pelikulang Paano Hinihintay ang Dapithapon, na maraming inuwing awards mula sa Cinemalaya 2018 at sa ibang bansa.
Aniya, “Mula simula hanggang dulo walang moment na bumitaw ako. Napapamura ako kasabay ni Benjo! Ang husay!”
Hopefully isa rin si Arjo sa gustong maka-trabaho ni Direk Carlo sa tamang panahon.
Pagkatapos ng screening ay nakita namin si Arjo sa parking lot ng Trinoma at labis siyang nagpapasalamat sa magagandang feedback na narinig niya. Hindi lang daw alam ng lahat na abut-abot ang nerbiyos niya habang naglalakad siya sa red carpet papasok sa loob ng sinehan hanggang sa simulang ipalabas ang Bagman.
Nakahinga lang daw siya nang maluwag nang marinig niya na nagandahan sa istorya, nagalingan sa buong cast at pasado siya sa karakter bilang bagman.
Medyo bitin nga kami sa panonood dahil ang mga susunod na episode ay siya na si Gov.?
“Abangan n’yo tita, magugulat kayo,” sabi ng aktor sa amin.
Susme, nambitin pa.
-Reggee Bonoan