Posible umanong bago mag-Mahal na Araw ay matapos na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga balota para sa 2019 midterm elections.

BALOTA_ONLINE

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, mas maaga ang naturang petsa ng mahigit isang linggo kumpara sa inisyal na target date na Abril 25, para makumpleto ang ballot printing.

Sinabi ni Jimenez na ang pag-iimprenta ng National Printing Office (NPO) ay "in full capacity" na simula pa noong Pebrero 20, 2019, at bawat makina ay nakakapag-imprenta ng average na isang milyong balota kada araw.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pinakahuling datos mula sa Printing Committee, lumilitaw na 38,347,754 na balota na ang natapos nang iimprenta hanggang nitong Marso 19, 2019.

Kumakatawan umano ito sa 60.24% ng 63,662,481 kabuuang bilang ng mga balota na kailangang iimprenta.

Ang natitirang mga balota na lamang, aniya, na iimprenta ay para sa Regions I at II at National Capital Region (NCR).

Nabatid na mayroon lamang 61,843,750 registered voters para sa May 13 National and Local Elections (NLE), at ang mahigit 1.1 milyong balota naman na iimprenta pa ay gagamitin para sa Final Testing and Sealing (FTS) process, habang ang natitirang pa ay para naman sa demonstration ballots para sa vote-counting machine (VCM) roadshow at demonstration purposes.

-Mary Ann Santiago