SA taas na 6-foot-9, walang duda na may paglalagyan si Shaun Geoffrey Chiu sa Philippine basketball, hindi man sa international arena.

TWIN TOWER! Nasa kamay nina Chiu (kaliwa) at Sotto ang hinaharap ng Philippine basketball. (SBP PHOTO)

TWIN TOWER! Nasa kamay nina Chiu (kaliwa) at Sotto ang hinaharap ng Philippine basketball. (SBP PHOTO)

Miyembro ng Batang Gilas at ng kinatatakutang Ateneo Blue Eaglets, ang mga katangian para sa isang premyadong slotman ay napapansin sa batang career ni Chiu.

May isang season na lamang si Chiu para makalaro sa Blue Eaglets, ngunit sa kasalukuyan wala siyang ibang hangad kundi ang makapag-tapos at harapin ang edukasyon sa kolehiyo.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ngunit, inamin niya na kaakibat nito ang pananatili sa hard court. Sa ngayon, wala pang katiyakan kung saan papalarin ang batang Eaglet.

“Meron din po. Pero, for now, po I want to focus on the upcoming leagues and graduate before thinking about my next step. So let’s see,” pahayag ni Chiu sa panayam ng Manila Bulletin.

Kinatatakutan sa school league ang Ateneo sa presensiya ni Chiu, gayundin ng 7-foot-2 na si Kai Sotto. Taliwas kay Sotto na sentro ng mga usain, mas nais ni Chiu ang simpleng career at hayaang ang kakayahan niya ang magdala sa kanya sa pedestal.

“We usually play together. Obviously, po naman kasi na siya yung main namin, yung advantage. Pero dahil din po sa magandang court vision niya, he passes the ball to us which makes it easier,” pahayag ni Chiu.

Aminado siya na madami pang dapat ayusin sa kanyang laro at samdamakmak pang bigas ang kanyang kakainin para maging angat sa mga karibal at kasangga.

“ Yung katawan kasi dapat strong and may agility. Kasi, parang sobrang bagal ko pa compared to the bigs in the international level. Yun lang po muna goal ko, to be as quick as them,” aniya.

Tinaguriang ‘The Bulldozer’, tanging dalangin ni Chiu na manatiling malusog ang pangangatawan at makasabay sa bilis ng mga karibal sa collegiate league.

“Feel ko po compared sa ibang bigs, ako yung less experienced. Pero sa sa college naman po, I feel I can gain more experience to further improve my play,” pahayag ni Chiu.

Tulad ng kanyang mga kasabayan, idolo ni Chiu si June Mar Fajardo sa PBA at Giannis Antetokounmpo sa NBA.

“Sa PBA si June Mar Fajardo kasi siya yung dominant and big din po siya. Madami din po kasi siya nagagawa sa loob.”

“Sa NBA naman po, madami eh. Pero siguro po si Giannis (Antetokounmpo). Kasi po big guy siya and he is quick compared to the other big guys. Tapso all-around pa po siya, he can score, pass and do almost anything (on the court),” aniya.

Mananatili sa Blue Eaglets si Chiu at naghihintay ng patawag para sa Batang Gilas na nakatakdang sumabak sa 2019 FIBA Under-19 Basketball World Cup Sa Hunyo 29-hanggang Hulyo 7 sa Heraklion, Greece.

-BRIAN YALUNG