MULA Beijing hanggang Tokyo, impresibo ang kampanya ng swimming internationalist na si Micaela Jasmine Mojdeh.
Muling pinatunayan ng 12-anyos na si Mojdeh ang kahandaan para sa high-level competition nang pagwagihan ang anim na gintong medalya na pawang area record sa katatapos na 2019 Age-Group Champs Swim Meet in Tokyo, Japan.
Nadomina ni Mojdeh, pinakamatikas na junior swimmers sa bansa at pangunahing atleta ng Philippine Swimming League (PSL) sa girls 11-12 division, ang 100-meter breaststroke (1:18.34), 100m butterfly (1:04.72), 200m Individual Medley (2:30.77), 100m Individual Medley (1:10.19), 50m butterfly (39.70) at 200m freestyle (2:13.01).
Tunay na nakabibilib si Mojdeh na maging ang hindi paboritong event na 200m freestyle ay nagawa niyang madomina.
“Medyo mataas pa nga po ang mga time niya dahil siguro po pagod na dahil panglimang tournament nap o niya ito this year. Pero talagang marami siyang ginulat sa 200m freestyle. Hindi naman niya ito madalas languyin kaya nang matalo niya yung mga lehitimong freestyler, nasabi na lang nila na very good strategy daw,” pahayag ni Joan, ina ni Mojdeh at nagsilbing team manager ng PSL Team na ipinadala sa torbeo ni PSL president Susan Papa sa pakikipagtulungan ng Filipino-Japanese community sa Tokyo.
Sa nakalipas na biwan, umukit ng kasaysan ang pambato ng Immaculate Heart of Mary College-Paranaque, sa nakopong walong ginto at pitong meet records sa Beijing All-Star Swimming Championships sa Water Cube – ang pamosong pool kung saan naitala ni American Michael Phelps ang kasaysayan sa napagwagihang walong ginto sa 2008 Beijing Olympic.
Sa Beijing, nakamit ni Mojdeh, medal prospect sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre kung mapapabilang sa Philippine Team, ang record sa girls 11-12 division ng 200-meter fly (2:17.89), 200m individual medley (2:25.68), 200m breaststroke (2:43.51), 100mbutterfly (1:04.67), 100m IM (1:09.85), 50m butterfly (29.41) at 50m breast stroke (36:13).
Ang ikawalong ginto ay mula sa girl’s 11-12 division 100m breaststroke (1.17.77).
“We keep our finger cross na sana po matuloy yung nabalitaan namin na magpapatawag ang POC (Philippine Olympic Committee) ng national tryouts para sa lahat ng swimmers regardless of affiliation,” pahayag ni Joan.
Balot sa kontrobersya at kaguluhan sa liderato ang Philippine Swimming Inc. (PSI) ni Lani Velasco, ngunit nakakatanggap pa rin ito ng pagkilala mula sa POC at International Swimming ball Federation (FINA)
Tangan din ni Mojdeh, ang Palarong Pambansa most bemedalled athlete, ang Philippine national junior record sa 100m butterfly sa tyempong 1 minuto at 4.71 na naitala niya sa 152nd PSL National Series, at burahin ang dating marka na 1:05.10 na naitala rin niya sa SICC Swimming Championship nitong Agosto sa Singapore.
-EDWIN ROLLON