Kinukumpirma pa ng opisyal ng Joint Task Force (JTF) Sulu ang ulat na aabot sa 10 na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay sa ikinasang bomb strike ng pamahalaan sa Patikul, Sulu, kamakailan.
Inamin ni JTF Sulu commander Brig. Gen. Divino Rey Pabayo na nahihirapan sila sa pagkumpirma sa kabuuang bilang ng napaslang at nasugatan sa pagbobomba ng Philippine Air Force dahil na rin sa lawak ng kagubatan.
Naiulat din aniya sa kanila na naghiwalay ng landas si ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan at ang mga tauhan nito upang matakasan ang tumutugis na tropa ng gobyerno.
"May mga report pero hindi pa ma-confirm dahil report lang eh, wala pang body count talagang nakuha eh. May mga natamaan pero naidala, nabitbit yata nila [We have received reports but there is still no confirmation, there are still no body count. Some of them were hit but were taken]. Hindi namin ma-pinpoint pa eh maraming nagsabing may sampu, may siyam, wala pang confirmation [We cannot still pinpoint, some are saying 10, some nine, there is still no confirmation]," pagdidiin ni Pabayo.
Ayon pa sa kanya, ibinatay lamang nila ang impormasyon sa intelligence report na natanggap nila mula sa ground.
Matatandaang binomba ng military ang pinagtataguan ng bandidong grupo sa Sitio Agas-Agas at Sitio Limasan, Bgy. Kabbun Takas, Patikul, nitong Biyernes ng umaga.
-Francis T. Wakefield