SA Pilipinas, ang Marso ay itinuturing na Buwan ng Kababaihan. At pagsapit ng ika-8 ng Marso, makahulugang ipinagdiriwang ang “International Women’s Day” o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Ang Buwan ng Kababaihan ay magandang pagkakataon upang bigyan ng pagkilala ang kababaihang Pilipina sapagkat malayo na ang kanilang narating sa ating lipunan. At dito sa Pilipinas, halos lahat ng sektor ng lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, paglilingkod sa bayan, kababayan, at pamayanan. Ang kababaihan ay kabalikat sa pag-unlad ng ating bayan.
Sa kasaysayan, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay sinimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910, bilang pagkilala sa pakikipaglaban sa mga karapatan ng kababaihan. Hiniling ito ng German labor leader na si Clara Zetkin sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan ng mga manggagawa. At noong 1977, ang Gemeral Assembly ng United Nations ay nagpatibay ng isang resolusyon na nag-aatas sa mga bansang kasapi ng United Nations na ipagdiwang ang International Women’s Day tuwing sasapit ang ika-8 ng Marso. Simula noon, lumaganap sa buong daigdig ang pagdiriwang. Nagsimula naman ang selebrasyon sa ating bansa noong Marso 8, 1971, kasabay ng pagtutol ng mga kilusan ng kababaihan laban sa kahirapan.
Sa paglipas ng panahon, napatunayan na nakarating na ang kababaihan sa antas ng pagkakapantay sa kalalakihan. Hindi lamang sa ehekutibong (executive) sangay ng pamahalaan, kundi maging sa lehislatura (Kongreso at Senado), at hudikatura (Supreme Court). May mga babae na ring miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa Rizal, mababanggit na halimbwa ang unang babaeng gobernador na si Governor Rebecca Nini Ynares. Ang unang naging vice governor ay si dating Vice Gov. Jovita Rodriguez. Sa Laguna, ang unang babaeng gobernador ay si dating Gov. Ningning Lazaro.
Bukod sa paglilingkod sa pamahalaan, ang mga Pinay ay nangibabaw din sa pribadong sektor gaya ng sining, academe, negosyo, mass media (print at broadcast) at sa iba pang larangan na pinaglilingkuran ng kalalakihan.
Maging sa panahon ng ating mga ninuno, ang kababaihan ay naging bahagi sa pagbibigay-ningning sa kasaysayan ng Lahing Pilipino. Ang kababaihan ay itinampok at nakilala ring marangal, matapang at dakila sa mga alamat. Hindi na malilimot sina Prinsesa Urduja, na nasa mural painting ng National Artist na si Carlos Botong Francisco; Donya Maria Uray, ng Sorsogon; at Donya Ana Clang, ang nagtatag ng Nagcarlan sa Laguna.
Sa kasaysayan, lalo na sa panahon ng panunupil at paninikil ng mga Kastila, hindi malilimot sina Gabriela Silang, ang Joan of Arc ng Ilocandia; Teresa Magbanua, ang Joan of Arc ng Bisaya; Trinidad Tecson, ng San Miguel, Bulacan; Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan at unang babaeng miyembro ng samahan ng mga rebolusyonaryong Pilipino; Marcela Agoncillo, makabayan at taga-Taal, Batangas na tumahi ng ating Pambansang Watawat; Melchora Aquino o Tandang Sora, ang dakilang Ina ng Himagsikan; at Teodora Alonso, ang huwarang ina ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Sa Bibliya, kung lalaki man ang unang nilikha ng Diyos sa katauhan ni Adan, isang babae rin ang nagbigay-aliw sa lalaki at pinagmulan ng lahat ng tao—si Eva.
Sa sinapupunan din ng isang Babaeng Pinagpala ang nagdala sa Anak ng Diyos, na tumubos sa sangkatauhan. Ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ay may Maria Clara na buong pag-ibig at pangunahing tauhang babae sa kanyang nobelang “Noli Me Tanmgere”. Maging si Francisco Balagtas ay may isang Selya, na nagsilbing inspirasyon sa pagkakasulat ng “Florante at Laura”.
Bukod sa mga nabanggit, maging ang iba pang bayani at dakilang Pilipino ay babae ang naging mga inspirasyon at lakas sa likod ng kanilang mga tagumpay. Kaya, marapat lamang na sa lahat ng panahon, hindi lamang sa pagdiriwang ng International Women’s Day, sila’y mahalin, igalang at parangalan.
-Clemen Bautista