Umalma ang maraming mamimili sa biglaang pagtaas ng presyo ng karne ng manok sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Aabot sa P20 ang idinagdag na presyo nito sa bawat kilo.
Sa ngayon, naglalaro ang bentahan ng karne ng manok sa P150 hanggang P160 kada kilo mula sa dating P130-P140, lalo na sa mga wet market.
Kaugnay nito, hiniling ng mga mamimili sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na mahigpit na bantayan ang presyo ng manok sa merkado.
Ikinatwiran ng ilang tinderong negosyante na nagtaas sila ng presyo ng manok dahil sa epekto ito ng mainit na panahong nararanasan sa bansa.
Anila, madaling mamatay o magkasakit ang mga manok o sa sitwasyong matagal ang paglaki ng mga manok kapag summer season.
Kanya-kanyang diskarte rin ngayon ang mga may-ari ng poultry farm upang maalagaan nang mabuti at hindi mangamatay ang kanilang alagang manok ngayong tag-init na gumagamit pa ang ilan ng bentilasyon at de-kalidad na feeds.
Tiniyak muli ng DTI at DA na sapat ang supply ng manok sa merkado.
Noong 2018, nagkaroon ng sobrang supply ng manok sa mga pamilihan kaya malaki ang ibinaba ng pesyo nito sa mga pamilihan.
Matatandaan noong 2017, anim na poultry farm sa Pampanga ang naapektuhan ng bird flu na nauwi sa pagsasara pa ng nasabing mga farm.