Kumilos na ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police para imbestigahan ang kontrobersiyal na “Momo Challenge”.

MOMO

Nagsisiyasat na ang NBI Cybercrime Division sa nasabing online challenge na mga bata ang tinatarget, isang araw makaraang kumpirmahin ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na inatasan na niya ang PNP Anti-Cybercrime Group na magsagawa ng imbestigasyon at isara o i-block ang mga website na nagtatampok sa nasabing challenge.

Aminado naman si Department of Information and Communications Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio Jr. na hindi nito mapipigilan ang paglaganap ng iba't ibang online challenge, gaya ng Momo at “Blue Whale” challenges dahil wala sa Pilipinas ang surfer ng application na ginagamit sa mga ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aniya, maaari lang na mapigilan ang pagkalat ng Momo challenge kung tuluyang iba-block ang website na nagpapalabas nito.

Gaya ng PNP, nanawagan din ang DICT sa mga magulang na bantayan at suriing mabuti ang mga pinapanood ng kanilang anak online, partikular na sa YouTube—ang platform umano na nagtatampok sa Momo Challenge sa Pilipinas.

Iginiit naman ng YouTube nitong Miyerkules na wala itong anumang video tungkol sa Momo Challenge, na umano’y nag-uudyok sa mga bata na saktan ang sarili o kapwa, o magpakamatay.

“We want to clear something up regarding the Momo Challenge: We’ve seen no recent evidence of videos promoting the Momo Challenge on YouTube,” bahagi ng serye ng tweets ng Google-owned video sharing platform.

Ayon sa YouTube, ang anumang video na nagpo-promote ng karahasan, partikular ng mga delikadong challenges, ay paglabag sa kanilang mga polisiya.

Hinimok din nito ang mga users at subscribers na i-flag ang mga video na nagtatampok ng mga delikado at mararahas na content, at nagbigay ng link kung saan maaaring i-report ang nasabing mga videos.

Inilabas ng YouTube ang pahayag kasunod ng matinding pagkabahala ngayon ng mga magulang tungkol sa Momo Challenge, kung saan isang Japanese character ang nagtuturo umano sa mga bata na saktan ang sarili o kitilin ang sariling buhay.

Sa pamamagitan ng chat app na WhatsApp, nagpapadala umano ng numero sa bata, saka may magte-text sa paslit at magpapagawa ng 50 challenges para masilayan si Momo. Kapag hindi sumunod ang bata ay tatakutin umano ito ng texter hanggang sa himukin umano ang bata na magpatiwakal.

Una nang kumilos ang mga awtoridad sa Amerika at United Kingdom laban sa Momo Challenge, makaraang isang bata umano sa Argentina ang unang nabiktima nito, at nasawi.

-Beth Camia