Arestado ang isang lalaki, na nanghaharana kapalit ng limos, nang madiskubreng may kinalaman umano siya sa limang kaso ng kidnapping sa mga bata sa Quezon City.
Iniharap ngayong Martes ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang suspek na si Norly Rafael, nasa hustong gulang, ng Caloocan City, sa media sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Una siyang inaresto ng mga opisyal ng barangay sa Barangay Commonwealth nitong Lunes, bandang 3:30 ng hapon.
Tinukoy ng mga opisyal si Rafael bilang lalaki na nag-viral na social media post na sinasabing dumudukot sa mga menor de edad sa Purok 10, Riverside, Bgy. Commonwealth.
Sinabi ng pulis na modus ng suspek na pumili ng target at sundan sa kani-kanilang bahay.
Ang suspek, na hindi armado ng armas at halip ay gitara, ay manghaharana sa pamilya ng biktima bago targetin ang mga bata.
Isang Khel Ramos ang nagpahayag sa social media na isang lalaki na may bitbit ng gitara ang nangharana sa kanila habang sila ay natutulog. Isa sa mga kamag-anak ni Ramos ang nagbigay ng pera sa lalaki.
Gayunman, makalipas ang tatlong oras ay bumalik ang lalaki sa kanilang bahay at tila sinisilip ang mga bata sa loob ng kanilang bahay.
"Noong binigyan siya ng pera, hindi pa rin siya umalis at tinitignan 'yung mga bata sa loob ng bahay namin. Noong una nakita niya na walang lalaki sa amin dahil tulog pa kami," ani Ramosa.
Tinawag ni Ramos ang kanyang tiyuhin at kinumpronta nila ang lalaki. Gayunman, biglang tumakbo ang lalaki. Naganap ito sa Purok 19, Riverside, Bgy. Commonwealth, ayon kay Ramos.
MGA REKLAMO
Nang arestuhin si Rafael ng mga opisyal ng barangay, ang gitara na kaparehong bitbit ng lalaki sa viral sa post ay narekober sa kanya.
Ayon sa pulis, siya ay binugbog ng mga tao at dinala sa barangay hall, bago tawagin ang mga elemento ng NCRPO-Regional Special Operations Unit (RSOU).
Sinabi ng awtoridad na ilang oras bago ang pag-aresto, sinubukan pa ni Rafael na mambiktima.
Sa ganap na 12:30 ng hapon nitong Lunes, tatlong oras bago dinakip ang suspek, tinangkang dukutin ni Rafael ang 9-anyos na babae, ngunit nakatakas ito sa kanya.
Nagtungo ngayong Martes ang ina ng bata sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, upang magbigay ng testimonya.
Apat na iba pang complainant ang sumulpot at nagbigay ng pahayag hinggil sa tangkang pagdukot ng suspek sa kani-kanilang anak.
MASUSING IMBESTIGASYON
Nilinaw ni NCRPO Director Eleazar na kahit na nadiskubre ang kaso, walang natanggap na report ang pulisya hinggil sa pagdukot sa mga bata sa Metro Manila.
Hinikayat niya ang publiko na makipagtulungan sa awtoridad kung nawawala ang kanilang anak o kamag-anak.
"We would like to check on the information na mayroong mga kinukuhang mga bata. Gaya ng sinabi ko, we are still checking dahil wala naman tayong malinaw na kaso ng batang nawawala na nai-report sa atin. Maybe hindi nai-report but we would like to find out from the public, pumunta sila dito," ani Eleazar.
"Pero just the same, talagang very alarming itong ginagawa ng suspek na ito na pag-iikot kaya gusto natin ilantad ito. Mga bata ang kanyang pinupuntirya. It causes alarm and panic sa ating mga kababayan," diin niya.
"Sa ngayon, wala tayong masasabing mga batang nawawala. Pero ito naman, kesyo nawala o hindi, itong siwasyong ginagawa niya, hindi natin pwedeng hayaang maramdaman ng ibang magulang kaya natin inaresto," dagdag niya.
Dinala si Rafael sa NCRPO-RSOU detention facility at mahaharap sa kasong kidnapping.
Martin A. Sadongdong