Pitong miyembro umano ng ‘Baklas Bubong’ robbery group ang napatay ng mga awtoridad sa engkuwentro sa Barangay Banyaga, Agoncillo, Batangas, ngayong Lunes ng madaling araw.
Ayon kay Batangas Police Provincial Office (BPPO) director Senior Supt. Edwin Quilates, hindi pa nakikilala ang mga nasawi—nasa edad 30-50—habang isinusulat ang balitang ito.
Ayon kay Quilates, matagal na nilang tinutugis ang grupo ng mga suspek na nakapambiktima na ng maraming establisimyento, kadalasan ang feed mills, tindahan ng motorcycle, at convenience stores simula noong Hunyo 2018.
Aniya, modus ng grupo na looban ang mga establisimyento sa pamamagitan ng pagpasok sa bubungan ng mga ito, kaya ito tinaguriang “Baklas Bubong”.
Kumikilos ang grupo sa Lemery, Tanauan, Rosario, Cuenco, Agoncillo, Calaca, Taysan, at Taal, ayon kay Quilates.
“They strike usually between 11:00 p.m. and 3:00 a.m.,” sabi pa ni Quilates.
Nakuha ng pulisya nitong Sabado ang tyempong matagal na nitong hinihintay nang maispatan ng closed circuit television (CCTV) ang sasakyan ng grup—isang Toyota Hi-Ace van (TIH-344) – kasunod ng isang nakawan sa convenience store sa Taal.
“Pina-memorize ko sa lahat ng pulis ang plate number. Isa pang palatandaan eh ‘yung neon blue light na nakalagay sa side mirror,” ani Quilates.
Naispatan ng isang pulis ang van sa Talisay ay kaagad itong iniradyo sa pulisya, ayon kay Quilates, na mabilis na ikinasa ang tinaguriang nilang “Operation Iron Curtain.”
Sa paunang ulat, nilagpasan umano ng van ang checkpoint sa Bgy. Berinayan, Laurel, dakong 4:45 ng madaling araw.
Binangga umano ng van ang checkpoint barriers kaya kaagad nagset-up ng checkpoint ang mga pulis sa boundary ng Agoncillo at Laurel upang maharang ang mga suspek.
“Dalawa o tatlong suspek lumabas ng sasakyan at nakipagbarilan,” sabi ni Quilates.
Nakorner ang mga suspek ilang metro ang layo sa checkpoint kung saan nagkaroon ng engkuwentro, na ikinasawi ng mga ito.
Narekober mula sa crime scene ang isang carbine, dalawang .45 caliber pistol, isang Ingram pistol, at isang .38 caliber revolver.
Nakuha naman sa van ng mga suspek ang ilang bonnet, stockings, metal pipes, roof cutter, at iba pang tools.
Lyka Manalo at Ali Vicoy