Pumanaw nitong Sabado ng gabi si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor A. Espenilla Jr., dahil sa cancer.
Namatay si Espenilla, 60, dahil sa tongue cancer na na-diagnose noong Nobyembre 2017. Matapos maoperahan, sinabi ni Espenilla na nagpapagaling na lang siya.
Sa emergency meeting na ipinatawag ng Monetary Board nitong Sabado ng gabi, hinirang si Deputy Governor Ma. Almasara Cyd Tuaño-Amador bilang temporary officer-in-charge (OIC) ng BSP.
“In a special meeting held on the same day, the Monetary Board designated (deputy governor) Tuaño-Amador as BSP OIC effective immediately until such time that President Rodrigo Duterte shall have designated an OIC or appointed a successor,” saad sa opisyal na pahayag mula sa BSP Corporate Affairs Office.
Pebrero 2018 nang ihayag ni Espenilla ang tungkol sa kanyang sakit at nagpagamot sa Amerika.
Simula Setyembre hanggang Nobyembre nang nakaraang taon ay naka-medical leave ang opisyal.
Mayo 2017 nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Espenilla bilang ikaapat na BSP governor. Pormal siyang naluklok sa puwesto noong Hulyo 3, 2017.
Nagtapos ng business economics (magna cum laude) at may MBA mula sa University of the Philippines, si Espenilla ay nagsilbing deputy governor para sa examination at supervision sector ng BSP bago siya naitalaga upang pamunuan ang Bangko Sentral ng Pilipinas.
Naulila ni Espenilla ang maybahay niyang si Maria Teresita Festin Espenilla, mga anak na sina Jacqueline Joyce, Nikko Nestor, Leonardo Nestor, manugang na si Ben Baltazar, at apo na si Zev Eron.
Lee C. Chipongian