BIBIGYAN parangal ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang anim na kabataang atleta na kuminang ang pangalan sa kani-kanilang larangan sa sports, sa taunang gabi ng parangal ng SMC-PSA Annual Awards Night ngayong darating na Pebrero 26 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Pangungunahan ng pambato ng National University at trackster na si Jessel Lumapas ang grupo ng mga kabataan pararangalan para sa Tony Siddayao award.
Umingay ang pangalan ni Lumapas nang tanghalin itong most outstanding athlete sa 2018 Palarong Pambansa kung saan nag-uwi siya ng apat na ginto buhat dito.
Bukod pa rito, nag-uwi rin ng dalawang ginto ang 17-anyos na si Lumapas buhat sa ASEAN School Game na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakaraang taon din.
“Masaya po ako kasi first time ko po makakatanggap ng ganitong klaseng award. Marami pong salamat sa pagpili po sa akin para bigyan ng award. Hinding hindi ko po malilimutan ito,’ emosyunal na pahayag ng tubong Dasmarinas Cavite na si Lumapas.
Bukod kay Lumapas, kabilang sa pararangalan sa nasabing presitihiyosong Tony Siddayao ay ang swimmers na sina Micaela Jasmine Mojdeh at Marc Bryan Dula, figure skater Czerrine Ramos, Alex Eala sa tennis at si Daniel Quizon ng chess.
Kabilang sa dating awardees ng Tony Siddayao, na isinunod sa pangalan ng dating tinaguriang “Dean of Sportswriting” ay ang mga personalidad na sina Wesley So ng chess, Kiefer Ravena at Jeron teng ng basketball, Doti Ardina ng golf, Eumir Marcial ng boxing, Rustom Lim ng cycling, Malvinne at Markie Alcala ng badminton at marami pang kabataang atleta.
Samantala, sina Hidilyn Diaz, kasama ang mga golfers na sina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go, pati na ang skateboarder na si Margielyn Didal, ang pinangalanan naman na Athlete of the Year.
Ang SMC-PSA Awards Night ay itatanghal ng MILO, Cignal TV, at ng Philippine Sports Commission (PSC), sa tulong ng Chooks To Go, NorthPort, Rain or Shine, Tapa King, SM Prime Holdings, ICTSI, Mighty Sports at ng Philippine Basketball Association.
-Annie Abad