Tiyak na papasok sa WBO world rankings si Dave Peñalosa makaraang tatlong beses mapabagsak at magwagi via 4th round TKO kay Mexican knockout artist Marcos Cardenas para matamo ang bakanteng WBO Oriental featherweight title kamakalawa ng gabi sa SM City North EDSA Skydome sa Quezon City.

Kaagad idineklara ng kanyang tiyuhin na promoter ngayon na si two-division world champion Gerry Peñalosa na handa na si Dave sa world title shot at handa siyang alukin si WBO featherweight champion Oscar Valdez na idepensa ang titulo nito sa kanyang pamangkin sa Maynila.

May kartada si Valdez na perpektong 25 panalo, 20 sa pamamagitan ng knockouts, at sa palagay ng nakatatandang Penalosa, may-ari ng GerryPens Promotions, na may ibubuga sa Mexican ang kanyang pamangkin na may perpekto ring kartada na 15 panalo, 11 sa knockouts.

“In the 4th round, hard shots to the chin decked Cardenas twice, who bravely got up each time. The crowd yelled themselves hoarse and Dave pounced to finish him,” ayon sa ulat ng Philboxing.com. “Body shots finished Cardenas, dropping him for a third time and Referee Atty. Danrex Tapdasan stopped the carnage at the 2:47 mark.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa undercard ng laban, pinatunayan ni two-division world champion Jhonriel Casimero na may ibubuga pa siya sa bigtime boxing nang mapatigil sa 6thround ang matibay na Hapones na si Kenya Yamashita para mapaganda ang kanyang rekord sa 26-4-0 win-loss-draw na may 17 pagwawagi sa knockouts.

Napatigil naman sa 3rd round ni WBO No. 10 at WBA No. 14 bantamweight “Wonder Boy” Carl Jammes Martin ang matapang na si Thai warrior Petchchorhae Kokietgym para mapaganda ang kanyang rekord sa perpeketong 12 pagwawagi, 11 sa pamamagitan ng knockouts.

Napatulog din ni Carlo Caesar Peñalosa si Thai fighter Watana Phenbaan sa 3rd round ng kanilang sagupaan para mapaganda ang kanyang kartada sa 14 panalo, 1 talo na may 7 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña