Nagtakda ng deadline ang presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte para sa kanyang desisyon kung kakandidato siyang pangulo ng bansa sa 2022.
Sa kampanya ng Hugpong ng Pagbabago nitong Linggo sa Ilocos Sur, sinabi ni Mayor Sara na ilalabas niya sa Enero 2021 ang kanyang pinal na desisyon kung kakandidato siyang presidente.
Aniya, kailangan niyang maglaan ng mahabang panahon para mapag-isipang mabuti ang pagkandidato bilang pangulo.
Sinabi rin ng alkalde na kailangan ng sapat na pera, kagamitan, at lalo na ang gabay mula sa Panginoon sa gagawin niyang pagdedesisyon kung papalitan nga niya sa puwesto ang kanyang ama na si Pangulong Duterte.
Sinabi pa ng nakababatang Duterte na mahirap panindigan ang pagtakbo bilang pangulo kung hindi ito para sa iyo.
Sa ngayon, sinabi ng alkalde na nakatutok siya sa pagtulong sa huling tatlong taon ng administrasyon ng kanyang ama at sa kampanya ng 13 senatorial bets ng kanyang partido.
Nauna nang sinabi ng nakababatang Duterte na wala siyang balak tumakbo bilang pangulo.
-Beth Camia