PINAYUHAN ng Malacañang ang mga kandidato sa 2019 midterm elections na tumalima sa election laws upang matiyak ang malinis, patas at tapat na halalan sa Mayo 13. Gayunman, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na exempted si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa pagbabawal o ban sa pagkampanya sa mga kandidato.
Ayon sa Malacañang, hindi papayag si Mano Digong na gamitin ang pera ng gobyerno sa kampanya. Bawal sa sinumang kasapi ng Gabinete na magkampanya sa sinumang kandidato o pulitiko. Bawal din sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mangampanya para sa kanilang napupusuang kandidato.
Subalit si PRRD ay libre sa pagkampanya sa mga kandidato na gusto niya, tulad halimbawa ng kanyang tatlong paborito, sina ex-SAP Christopher “Bong” Go, ex-PNP Chief Bato dela Rosa at ex-MMDA Chairman Francis Tolentino. Ano kayang batas ang naglilibre sa Pangulo?
Itinatanong ng kaibigan ko kung ang perang gagamitin ng ating Pangulo sa pagkampanya kina Go, Bato, Tolentino at iba pang lokal na kandidato, ay galing sa pamahalaan o personal niyang pera. Iyan ang hindi natin batid. Dapat ipaliwanag ito ni Panelo sapagkat bawal sa Cabinet members, at mga tauhan ng AFP at PNP, na mangampanya sa sinumang kandidato at gamitin ang pera ng kanilang mga tanggapan.
oOo
Para sa mga kandidato ng OTSO DIRETSO, ang midterm elections sa Mayo 13 ay maituturing na isang referendum sa administrasyong Duterte. Huhusgahan ng taumbayan kung pabor pa ba sila sa administrasyon sa kabila ng pagkabigong malutas ang illegal drugs sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, paglipol sa kurapsiyon, extrajudicial killings, pagsasawalang-kibo sa pag-okupa ng China sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea, at iba pa.
Isa rin daw itong referendum sa kakayahan at katalinuhan ng mga botanteng Pilipino na pumili ng mahusay, tapat at hindi bolerong kandidato. Ang mga kandidato ng OTSO DIRETSO na sina Sen. Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano, election lawyer Romulo Macalintal, Marawi City civic leader Samira Gutoc, ex-Quezon Rep. Erin Tañada, ex-Solicitor General Florin Hilbay, at human rights lawyer Jose “Chel” Diokno, ay nagsimula ng pagkampanya noong Martes sa Caloocan City, nagbahay-bahay at nagpakilala sa mga tao. Si ex-DILG Mar Roxas ay hindi nakarating dahil nasa Capiz siya at doon iprinoklama.
Samantala, ang 12 kandidato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Mayor Sara Duterte, na alyado ng administrasyon, ay nagsimulang mangampanya sa San Fernando, Pampanga. Kabilang sa HNP bets sina re-electionists Sonny Angara, Pia Cayetano, Cynthia Villar, ex-Sens Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr. Naroroon din sina Bong Go, Francis Tolentino at Jiggy Manicad. Hindi nakarating si re-electionist Koko Pimentel ngunit kinatawan siya ng ginang na si Kathryna.
Maging matalino sana ngayon ang mga botanteng Pilipino. Iwasang maniwala sa mga boladas at gimik ng mga kandidato. Huwag maniwala at paloko sa mga pangako na kaysarap pakinggan sa tainga subalit salat sa katotohanan.
-Bert de Guzman