SA kanyang talumpati noong gabi ng Huwebes sa San Jose del Monte, Bulacan, pinagbantaan ng Pangulo na sasampalin si dating Senador Kit Tatad kapag nagkita sila. Ikinagalit niya iyong isinulat ng dating senador sa isang pahayagan na umano ay may cancer siya at sumailalim sa kidney transplant operation noong Enero 29. Aniya, “sterile dysfunction” na ito.
“Ikaw Tatad, alam mo ang hangganan sa pagitan ng kalayaan sa pamamahayag at pambabastos mo sa akin. Kapag nagsalubong ang landas natin, iwasan mo ako. Sasampalin kita, maniwala ka sa akin. Sasampalin kita sa harap ng maraming tao,” wika ng Pangulo.
Bilang sagot ng Pangulo sa isinulat ni Tatad na wala siyang kakayahan sa sex, sinabi niya: “Nagbibiro ka na may cancer si Duterte, ikaw nga may diabetes. Kaya, hindi mo na ito magagawa. Ikaw, Tatad, kung gusto mong masubukan na magagawa natin ito hindi? May asawa ka ba? Ipahiram mo sa akin.”
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, fake news ang inulat na ito ni Tatad. Nagalit, aniya, ang Pangulo. Pero, ayon din kay Panelo, hyperbole naman ang isinagot ng Pangulo. Kaya tayong mamamayan, nanonood tayo ng labanan ng fake news at hyperbole.
Kaya lang, batay sa aking karanasan bilang abogado, ang kadalasang nagdedemanda ng libel ay ang mga nasasaktan dahil totoo iyong itinuturing nilang nakasisira sa kanilang puri. Ang libel ay ginagamit lang nilang pagbabagong-puri.
Pero totoo man o hindi ang isinulat ni Tatad, hindi dapat magalit ang Pangulo. Tingnan ninyo ang sagot niya kay Tatad sa sinabi nitong wala na siyang kakayahan sa sex: “May asawa ka ba? Ipahiram mo sa akin.”
Ganitong uri ng pananalita ang naririnig natin sa Pangulo hinggil sa mga taong hindi sumasang-ayon sa kanyang polisiya at ginagawa. Sa mga Pangulong naunang nanunungkulan sa kanya, hindi natin sila naringgan ng ganito. Hindi rin naman nakarinig ng kahit kanino ang mga ito ng hindi magandang salita. Kasi, marunong silang gumalang kaya iginalang din sila.
“Naniniwala ako na ang titulo ninyo ay Pangulo, hindi Hari. Nanghihingi kayo ng paggalang, pero mukhang wala kayong kakayahang ibigay ito. Ibinoto namin ay lider, hindi ruler, at mukhang hindi ninyo mawari ang pagkakaiba,” sabi ni dating Senador Rene Saguisag nang maaga pang nanunungkulan si Pangulong Duterte.
Dapat sanang maintindihan ng Pangulo na kapag nag-alipusta at nagmura ka ng iyong kapwa, na ang kasalanan lamang ay ihayag ang kanyang saloobin hinggil sa iyong polisiya na nakaaapekto sa kanya at sa pangkalahatan, bumaba ka sa kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi ka dapat magalit at mapikon dahil nasa kategorya mo na sila. Mabuti ay iginalang pa ang Pangulo ng mga nauna niyang minura at kinutya.
Pero, nagkaroon ng ibang interpretasyon si Spokesperson Panelo nang sabihin niyang: “Ang mamamayan ay nasanay na sa hyperbole ng Pangulo; ginagamit ang mga sitwasyon at ginagawa niyang katawa-tawa ang mga ito.”
Totoo, ginawa niyang katawa-tawa ang pananampalataya ng Simbahang Katoliko. Tinawag niyang “stupid” ang Diyos na kanyang pinaniwalaan. Ang paniniwala ng Simbahan ukol sa Holy Trinity ay hindi niya pinalampas. Tinawag niyang bakla ang mga bishop. Inakusahan niya si Bishop Pablo David na inuumit ang koleksiyon ng simbahan at inuuwi sa kanyang pamilya at sangkot umano ang bishop sa ilegal na droga. Naging magalang ang reaksyon ng mga bishop bagamat nababakas sa kanilang pananalita ang galit at pagkadismaya.
Pero iba si dating Senador Tatad. Ginaya niya ang Pangulo. Sabi nga, “he gave him the dose of his own medicine.”
-Ric Valmonte